Kalahi-CIDSS NCDDP, Ipapatupad sa 22 Bayan sa Quezon


 

2014-06-25 08:37:52

 

 

Bilang paghahanda sa pagpapatupad ng Kapit Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services National Community-Driven Development Program (KALAHI-CIDSS NCDDP) ay nagsagawa ng seminar-workshop ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region IV-A noong ika-23 ng Hunyo, 2014 sa Queen Margaret Hotel-Downtown, Lungsod ng Lucena.

 

Ang isinagawang seminar-workshop ng DSWD IV-A sa pakikipagtulungan sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ay may layuning madagdagan ang kaalaman tungkol sa KALAHI-CIDSS NCDDP ng 22 munisipalidad na benepisaryo ng naturang programa at masiguro ang pakikiisa at suporta sa programa.

 

Ayon kay Ma. Philda J. Luteria, Community Development Specialist - DSWD IV-A, ang KALAHI-CIDSS NCDDP ay isa sa malalaking proyekto ng nasyonal na pamahalaan upang tugunan ang problema sa kahirapan.

 

Makalipas ang mahigit isang taon matapos aprubahan ni Pangulong Aquino noong January 18, 2013 at magkaroon ng mga pag-uusap upang ayusin ang disenyo ng proyekto ay naisagawa na din ang national launching kahapon, June 23, 2013 sa Ormoc City.

 

Ayon pa kay Luteria ang mga benepisaryo ay pinili base sa dalawang panuntunan, una ang kahirapan ng isang bayan na dapat ay mas mataas sa national average, ikalawa ang pagiging apektado ng bagyong Yolanda.

 

Sa lalawigan ng Quezon, dalawampu't dalawang (22) bayan ang mabibiyayaan ng naturang programa sa loob ng apat na taong implementasyon nito na kinabibilangan ng Agdangan, Alabat, Buenavista, Burdeos, Perez, Quezon, San Antonio, Unisan, Tagkawayan, Catanauan, General Luna, Lopez, Macalelon, San Andres, Calauag, Candelaria, Guinayangan, Gumaca, Mauban, Plaridel, Sariaya at San Francisco.

 

Katuwang sa pagpapatupad ng programa sa lalawigan ng Quezon ang pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David "Jay-Jay" C. Suarez na magbibigay ng suporta sa pamamagitan ng policy support, augmentation support for resources, technical assistance at pagbubuo ng Provincial Inter-Agency Committee, isang technical working group na tututok sa NCDDP.

 

Nilinaw din ni Luteria na ang KALAHI-CIDSS NCDDP ay hindi isang infrastructure project, ito ay produkto lamang ng napagkasunduang proyekto base sa community-driven development tulad ng mga school building, day care at health center, water system, pathway, farm-to-market road, mga proyekto sa pangangalaga ng kalikasan tulad ng seawall, mangrove reforestation at iba pa.

 

Samantala, ipinagbibigay-alam ni Luteria na sa nalalapit na pagpapatupad ng naturang programa sa lalawigan ng Quezon ay nangangailangan ang DSWD Region IV-A ng mga staff para sa iba't ibang posisyon tulad ng Area Coordinator, Deputy Area Coordinator, Municipal Financial Analysts at mahigit 100 Community Facilitators.

 

Sa mga interesado, magsumite lamang ng kanilang resume sa DSWD Region IV-A website o sa Provincial Social Welfare and Development Office sa Kapitolyo ng Quezon para sa mga naninirahan sa lungsod ng Lucena at mga karatig-bayan c/o Nazarena Andrey. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK