Tulong Pinansyal, Ipinagkakaloob ng Pamahalaang Panlalawigan


 

2014-06-24 15:33:44

 

 

Patuloy na ipinagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang mga tulong pinansyal sa ilalim ng programang Aid to Individual in Crisis Situation (AICS) sa buong lalawigan ng Quezon.

 

Sa bayan ng Lucban, personal na iniabot ni Governor David "Jay-Jay" C. Suarez ang mga pinansyal na tulong sa mga taong lumapit sa pamahalaang panlalawigan para humingi ng ayuda sa mga gastusin sa pagpapagamot at pagpapalibing.

 

Ayon kay Governor Suarez, ang mga nabigyan ng tulong ay mga taong matagal ng lumapit sa Kapitolyo ngunit hindi agad napagkalooban ng tulong dahil natagalan ang pagpo-proseso ng mga dokumento na inihingi kaagad ng paumanhin ng gobernador.

 

Inutusan na umano ng gobernador ang local finance committee ng pamahalaang panlalawigan na kung sino man ang hihingi ng tulong at lalapit sa Kapitolyo ay dapat mabilis ang pagbibigay ng kinakailangang tulong.

 

Ayon naman kay Sonia Leyson, Provincial Social Welfare and Development Officer umabot sa siyam na daan walumpu't apat (984) ang pagkakalooban ng naturang tulong pinansyal mula sa iba't ibang bayan sa apat na distrito ng lalawigan ng Quezon na may kabuuang halagang P3,069,300.00.

 

Samantala, para sa taong kasalukuyan simula buwan ng Enero hanggang Mayo ay umabot na sa P800,000.00 ang naipagkaloob na tulong sa ilalim ng AICS at P300,000.00 para sa guarantee letter hospital mula sa tatlong milyong pisong (P3M) pondo na inilalaan ng pamahalaang panlalawigan para sa naturang programa.

 

Lubos naman pasasalamat ng mga tumanggap ng naturang tulong mula sa pamahalaang panlalawigan at kay Governor Suarez. Kabilang dito sina Zenaida Ayer mula sa bayan ng San Francisco na namatayan ng asawa at Jimson Roldan na naoperahan ang nanay.  

 

Ang AICS ay tulong na ipinagkakaloob sa indibidwal o pamilyang nakakaranas ng kahirapan dahil sa socio-economic difficulties. Ito ay karaniwang short term at emergency in nature kaya naman ang tulong na ibinibigay ay one-shot deal basis lamang.

 
 
BACK