Adopt-A-Reef Project, Inilunsad sa Catanauan


 

2014-06-24 14:44:56

 

 
Inilunsad sa bayan ng Catanauan ang pang-siyam na Adopt-A-Reef Project ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Pangisdaan sa Brgy. Ajos noong June 4, 2014.

Ayon kay Provincial Agriculturist Roberto Gajo, itinaguyod ni Governor David "Jay-Jay" C. Suarez ang naturang proyekto dahil sa patuloy na pagbaba ng bilang ng mga nahuhuling isda ng mga mangingisda sa mga pambayang katubigan ng lalawigan.

Bukod sa bayan ng Catanauan, naisagawa na rin ang naturang proyekto at kasalukuyang pinakikinabangan ng mga mangingisda sa bayan ng Infanta, Sariaya, Padre Burgos, Unisan, San Francisco, Plaridel, Gumaca at Guinayangan. 

Ang adopt-a-reef project sa Catanauan na itinayo sa tulong ng pribadong sektor sa naturang bayan sa katauhan ni Ka Oscar Tan ay magkakaroon ng kapakinabangan para sa humigit kumulang tatlong daang (300) mangingisda sa tatlong barangay, ang Ajos, Pala at Madulao. 

Ang Adopt-A-Reef Project ay isang konsepto na kung saan ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon ay magbibigay ng mga gamit upang bumuo ng isang pangitlugan ng mga isda at ilalagay sa mga pambayang katubigan. Ito ay ipaaampon o itu-turn-over sa komunidad na kung saan ang sangguniang barangay, Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council (MFARMC) at iba pang sektor sa komunidad ang mangangalaga nito at ang tanggapan ng panlalawigang agrikultor ang magiging responsable sa pamamahala o pagmo-monitor ng naturang proyekto. 

Ayon pa kay Gajo, nakita sa proyektong ito na higit na nagiging daan upang patuloy na dumami ang mga uri ng isda sa mga pambayang katubigan. Sa katunayan aniya, kung dati-rati ang mga mangingisda ay nag-aani lamang ng isang kilo sa bawat paglabas para mangisda, ngayon ay may mga tala na umaabot na sa tatlo hanggang limang kilo ang huli ng mga mangingisda. 

"Patunay lamang ito ng naisin ni Governor Suarez na mabigyan ng maayos na buhay ang ating maliliit na mangingisda ay nagkakaroon ng katuparan. Patuloy na isinasagawa ng gobernador ang iba pang proyektong pampangisdaan para higit mabigyan ng kakayahan ang mga kababayan nating mangingisda", dagdag pa ni Gajo. 

Ayon pa dito na patuloy na itataguyod ng pamahalaang panlalawigan sa iba pang coastal communities ang naturang proyekto dahil nakita sa impact assessment ng proyektong ito ang patuloy na pagtaas o pagdami ng huli ng mga mangingisda. 

Sa naging pahayag naman ni Oscar Tan o mas kilala sa tawag na Ka Oca, ang private-counter part ng naturang proyekto, naniniwala siya na sa ganitong paraan para maibabalik at muling dadami ang isda sa karagatang sakop ng bayan ng Catanauan. 

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Santiago Seguros, MFARMC Chairman kay Governor Suarez sa pagkakaloob ng naturang proyekto na malaking maitutulong sa kanilang maliliit na mangingisda. Hiningi din nito ang kooperasyon ng mga mangingisdang patuloy na nagsasagawa ng iligal na paraan ng pangingisda na tumigil na sa gawaing ito upang maging matagumpay ang naturang proyekto. 

Bukod sa siyam (9) na concrete artificial reef, dalawampung (20) bottom set payao at pitong (7) bamboo rack, nagkaloob din si Governor Suarez ng apat (4) na motorized banca sa barangay at samahan ng mga mangingisda na magagamit sa pagbabantay sa mga inilagay na mga artificial reef.
 
 
BACK