Water Search and Rescue Training, Paghahanda sa Kalamidad


 

2014-03-03 09:19:05

 

 

Limang araw na sumailalim sa water search and rescue training ang mga tauhan ng Sariaya Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) kasama ang ilang volunteers, opisyal ng barangay na malapit sa Tayabas Bay at mga lifeguard ng mga beach resort sa bayan ng Sariaya sa Villa del Prado Pool and Beach, Brgy. Bignay 1, Sariaya Quezon noong February 22 – 26, 2014.

 

Ayon kay Ernesto Amorez, Jr., Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer na patuloy ang isinasagawang paghahanda ng bayan ng Sariaya sa pamumuno ni Mayor Boyet Masilang sa anumang kalamidad na maaaring maranasan ng kanilang bayan.

 

Isinama ng kanilang tanggapan sa pagsasanay ang ilang volunteer at opisyal ng barangay na matatagpuan malapit sa Tayabas Bay at mga lifeguard ng mga beach resort sa bayan ng Sariaya dahil sila ang unang maaaring makapagbigay ng aksyon o makapagsagip ng buhay sa kanilang nasasakupan sa panahon ng kalamidad.

 

Ayon naman kay Dr. Henry Buzar, Provincial Risk Reduction and Management Officer na patuloy ang ginagawang pagbibigay ng pagsasanay ng kanilang tanggapan sa iba’t ibang bayan para maging katuwang ng pamahalaang panlalawigan panahon ng kalamidad na maaaring dumating sa lalawigan ng Quezon.

 

Napakahalaga din aniya ng pagsasanay na ito ngayong panahon ng summer na maraming nagpupunta sa mga beach resort sa bayan ng Sariaya na hindi kung may mangyari mang aksidente sa dagat o pool ay may sapat na kaalaman at kakayahan ang mga tauhan ng resort, barangay o ng munisipalidad sa pagsagip ng buhay.

 

Ipinagbigay-alam naman ni Cenon Allan Loria, Municipal Administrator na ang water search and rescue training ay pang-apat na pagsasanay na ibinigay sa mga miyembro ng Emergency Response Team ng Sariaya. Kabilang sa mga pagsasanay na pinagdaanan ng mga ito ay ang First-Aid / Basic Life Support, Vehicular Extrication at Medium Angle Rescue Training.

 

Ang mga kaalaman at kasanayang ito aniya ang magiging instrument o kagamitan ng mga rescuer para makapagligtas ng buhay sa anumang kalamidad o sakunang maaaring mangyari hindi lamang sa bayan ng Sariaya pati na rin sa mga karatig-bayan o probinsya.

 

Pinuri naman ni Buzar ang pamahalaang bayan ng Sariaya sa pagsisikap na palakasin ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng kanilang bayan sa pamamagitan ng mga kaalaman at kasanayan, gayundin ng mga makabagong kagamitan na makakatulong ng malaki sa disaster preparedness at rescue operation sa panahon ng kalamidad.

 

Ang pagpapalakas ng mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MBRRMC) at Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council sa buong lalawigan ng Quezon ang isa sa pangunahing binibigyan ng pansin at tinututukan ni Quezon Governor David “Jay-Jay” C. Suarez para maging maging handa ang lahat sa maaaring maging epekto ng climate change at kalamidad.

 

Bukod sa pagsasanay sa water search and rescue, sumailalim din sa pagsasanay tungkol sa pagbibigay ng first-aid at basic life support ang ilang volunteer, opisyal ng barangay at lifeguard ng mga beach resort sa bayan ng sariaya.

 

Ang naturang pagsasanay ay pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pamamagitan ng mga tauhan nito na sina Aurelio Natividad, Adrian Castillo, Niel Parco, Cesar Ryan Ellaga, Jeoffrey Reig, Raissa Catapang at Gemnar Montoya. (Quezon PIO)

 
 
BACK