Pitong Barangay sa Bayan ng Candelaria, Makikinabang sa Malinis na Tubig


 

2014-02-27 13:41:41

 

 

Si Quezon Governor David “Jayjay” C. Suarez kasama ang mga taga-Candelaria Water District sa isinagawang turn-over ng water system project sa bayan ng Candelaria, Quezon. Simula kanan, Chairman Rey Atienza - Quezon Assocciation of Water District, Atty. Sherwin Gatdula - Chairman, Candelaria Water District; at simula kaliwa, Roselyn Copo at Agnes Vargas - Board of Directors, at General Manager Mary Anne Alvarez - Candelaria Water District, isinagawa noong ika-25 ng Pebrero 2014 sa Poblacion ng Candelaria.(Quezon PIO)

Ipinagkaloob ni Quezon Governor David “Jayjay” C. Suarez sa Candelaria Water District (CWD) ang pamamahala sa proyektong water system ng pamahalaang panlalawigan para sa pitong barangay sa bayan ng Candelaria noong ika-25 ng Pebrero 2014.

 

Dinaluhan ang formal turn-over ceremony na idinaos sa Casa Patricia Hotel ng mga kapitan ng barangay at mga residente ng mahigit sa sampung libong kabahayan na makikinabang sa proyektong nagkakahalaga ng 25 milyong piso.

 

Labis ang pasasalamat ng mga residente ng Barangay Pahinga Norte, Masalukot I, Malabanban Sur, Poblacion I, Malabanban Norte at Masin Norte dahil sa wakas ay nagkaroon na ng malinis at malakas na tubig ang kanilang lugar. Ayon kay Serafio Macasaet, 84 taong gulang, simula pa noong 1972 ay naninirahan na sila sa Candelaria pero sa panahon lamang ni Gov. Suarez nagkaroon ng katuparan ang kanilang kahilingan na magkaroon ng magandang patubig. Ikinatutuwa rin ng mga residente ang mabilis na pag-kilos ng mga taga CWD sa kanilang request upang magpakabit ng tubig sa kanilang mga bahay.

 

Ayon kay Gov. Suarez, pinag-aralan niya ng mabuti ang mga plano ng bawat bayan simula ng siya ay manungkulan bilang gobernador ng Quezon. Napag-alaman niya na isa sa problema ng lalawigan ay ang kawalan ng malinis at magandang patubig sa ilang bahagi nito. Dagdag pa niya, base sa katatapos pa lamang na Health at Sanitation Summit sa Quezon, lumalabas na maraming kababayan natin ang nagkakasakit dahil sa iniinom na tubig.

 

Bukod sa mga ginagawang hakbang ng pamahalaang panlalawigan upang mabigyan ng access ang ating mga kababayan sa malinis ng tubig, dapat din aniya na magkaroon ang mga tao ng sariling kusa upang pangalaagan ang kapaligiran - nang sa gayon ay hindi makontamina ng dumi ang mga pinagkukunan natin ng tubig at kumalat ang iba’t ibang klase ng sakit.

 

Bilang kinatawan ng CWD, labis na nagpasalamat ang kanilang General Manager na si Mary Anne Alvarez dahil sa suportang ibinibigay ni Gob. Suarez sa kanilang lugar. Nangako siya na palagian ang kanilang gagawing update at upang patuloy na makapagbigay ng magandang kalidad ng inuming tubig.(QUEZON PIO)

 
 
BACK