6,000 Kawayan, Itinanim sa Castanas River


 

2014-02-18 11:50:01

 

 

Pinangunanahan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang pagtatanim ng mahigit anim na libong (6,000) kawayan sa halos dalawang kilometrong baybay-ilog na sakop ng Brgy. Castanas sa bayan ng Sariaya noong ika-12 ng Pebrero, 2014.

Ang pagtatanim ng mga kawayan sa baybay-ilog ng Sariaya ay bahagi ng programang Climate Change Mitigation and Disaster Risk Reduction Measure ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pakikipagtulungan ng pamahalaang bayan ng Sariaya.

Ayon ay kay Allan Loria, Sariaya Municipal Administrator na hindi lamang nakasalalay sa kaalaman at kakayahan ang paghahanda para maging ligtas ang buhay at maging isang malusog na pamayanan ang isang lugar, ito ay nakasalalay din sa katangiang kalalagayan ng kalikasan.

Patuloy aniya ang pagkikipagtulungan ng pamahalaang bayan ng Sariaya sa pamumuno ni Mayor Boyet Masilang sa pamahalaang panlalawigan sa mga programang may kaugnayan sa disaster risk reduction at climate change mitigation tulad ng matagumpay na Quezon’s 2in1.

Ayon naman kay Governor Suarez na ang isinagawang pagtatanim ng kawayan ang bahagi ng programang matagal ng sinimulan ng probinsya para sa pangangalaga ng kalikasan at kapaligiran, ang Securing Quezon’s Future kabilang ang programang Plant and Grow 1 Million Trees, Quezon’s 2 in 1 na nakapagtanim ng mahigit dalawang milyong bakawan sa loob lamang ng isang araw.

Buong pagmamalaki ding inihayag ni Governor Suarez na magsisilbing modelo ang lalawigan ng Quezon pagdating sa Global Warming Disaster Mitigation programs sa pamamagitan ng pagtulad ng ibang probinsya sa mga programang ginagawa ng Quezon.

Para naman masiguro ang paglago at paglaki ng mga itinanim na kawayan ay nagkaloob ang gobernador ng halagang P60,000.00 at mga kagamitan tulad ng pala, kalaykay, piko, atbp. sa Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) – Sariaya Chapter na samahang mangangalaga sa mga kawayan.

Kabilang sa mga nakiisa sa pagtatanim si Vice-Governor Sam Nantes, mga executive assistant ni Governor Suarez, mga kawani ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Provincial Administrator Rommel Edano, mga miyembro ng iba’t ibang grupo sa bayan ng Sariaya tulad ng KALIPI, 4Ps, MOVE, PNP, AFP, MDRRMO, Bantay ng Bayan, at opisyal ng iba’t ibang barangay. (Quezon PIO)

 

 
 
BACK