Barangay sa Mauban at Sampaloc, Tumanggap ng Health Coupon


 

2014-02-18 11:15:30

 

 

Tumanggap ng Lingap Kalusugan sa Barangay health coupons na may kabuuang halagang Php 350,000.00 ang mga barangay ng Sampaloc Quezon noong ika-7 ng Pebrero, 2014. Isinagawa ang turn-over ceremony na pinangunahan ni Gov. David C. Suarez sa bulwagang pambayan ng Sampaloc na sinaksihan ni Mayor Emmanuel Jesus Torres at mga opisyal ng nasabing bayan.

Ipinagkaloob sa apatnapung (40) barangay sa bayan ng Mauban at labing-apat (14) na barangay sa Sampaloc ang medical health coupon sa ilalim ng programang Serbisyong Suarez sa Kalusugan noong ika-6 ng Pebrero, 2014.

Sa bayan ng Mauban, ipinagkaloob ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang health coupon sa isinagawang turn-over ceremony sa Pambayang Kolehiyo ng Mauban na sinaksihan ni Mayor Fernando Llamas at mga opisyal ng pamahalaang bayan ng Mauban.

Sa bayan naman ng Sampaloc, isinagawa ang turn-over ceremony ng health coupon sa bulwagang pambayan ng Sampaloc na sinaksihan ni Mayor Emmanuel Jesus Torres at mga opisyal ng pamahalaang bayan ng Sampaloc.

Umabot sa P1,350,000 ang halaga ng health coupon ang naipagkaloob sa dalawang bayan kung saan ang bawat kapitan ay tumanggap ng P25,000 halaga ng medical health coupon na maaaring gamitin sa mga pampublikong pagamutan sa lalawigan ng Quezon.

Ayon kay Governor Suarez, sa mga kapitan ipinapaubaya ang mga health coupon dahil sila ang nagsisilbing tulay at katuwang para makarating ang mga programa ng pamahalaang panlalawigan sa mga maliliit na mamamayan sa probinsya.

Sa pamamagitan aniya nito ay naibibigay agad ang tulong sa mga mamamayan na nangangailangan ng pambili ng gamot o pambayad sa ospital sa tulong ng mga kapitan na hindi na kailangan pang magtungo sa Capitolyo.

Samantala, ipinamahagi din ni Governor Suarez ang mga Philhealth Membership Card sa humigit kumulang na 400 benepisaryo ng Philhealth pogram ng pamahalaang panlalawigan sa bayan ng Sampaloc. Binigyang kasiguraduhan din ang mga tumanggap na maari pa rin silang makinabang sa health coupon.

Dumalo din sa naturang programa sina Vice-Governor Sam Nantes, Bokal Techie Dator ng Unang Distrito ng Quezon at ilang pinuno ng tanggapan ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Provincial Administrator Rommel Edaño, Jr. (Quezon PIO)

Ipinagkaloob ng Lalawigan ng Quezon at ni Gov. David C. Suarez ang Lingap Kalusugan sa Barangay health coupons na may kabuuang halagang Php 1M sa bayan ng Mauban noong ika-7 ng Pebrero, 2014. Sinaksihan ni Mayor Ferdinand Llamas at mga opisyal ng nasabing bayan ang isinagawang turnover.
 
 
BACK