Dumadaming Butanding sa Karagatan ng Quezon, dapat Pangalagaan


 

2014-02-18 10:55:55

 

 

Isa sa paiigtingin na kampanya ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ay ang pagpapatupad ng batas sa karagatang nasasakupan nito. Ito ang ipinahayag ni Quezon Governor David “Jayjay” C. Suarez sa kakatapos pa lamang na Provincial Peace and Order Council Meeting (PPOC) noong ika-7 ng Pebrero 2014 na ginanap sa Bulwagang Kalilayan, Lucena City.

Dinaluhan ang nasabing pagpupulong nina Brigadier General Alex Capiña, Police Chief Superintendent Reuben Theodore Sindac, Department of Interior and Local Government Regional Director Josefina Castilla-Go, Board Member Victor Reyes, chief of police ng bawat bayan, at ang mga miyembro ng PPOC.

Batay sa mga impormasyon na ibinahagi ng ilang mga punong bayan sa teritoryo ng Tayabas Bay, Lamon Bay at Ragay Gulf, may ilang lumalabag parin na mga mangingisda sa mga ipinapairal na batas pangkalikasan.

Ayon kay Perez Mayor Pepito Reyes, dumarami ngayon ang mga butanding o whale shark na nakikita sa mga bayan na sakop ng Lamon Bay. Ikinakatakot niya na baka madamay at masaktan ang mga ito gawa ng illegal fishing dahil ginagawa umanong palatandaan ng mga mangingisda ang mga ito kapag nanghuhuli.

Sinabi naman ni Quezon Governor David “Jayjay” C. Suarez na dapat ang mga mangingisda ang unang nangangalaga sa mga likas na yaman ng karagatan, dahil sila rin naman ang makikinabang dito. Dagdag niya, kung mapangangalaagaan at higit na dumami ang mga butanding sa lalawigan, malaki ang posibilidad na dayuhin ito ng mga turista. Madadagdagan ngayon ng pagkakakitaan ang mga mangingisda dahil sila mismo ang magsisilbing mga tour guide.

Inatasan din ng gobernador ang Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO) at Provincial Tourism Office na alamin ang territorial identification ng mga butanding sa posibilidad na maging tourist attraction nga ang mga ito.

Buong pwersa naman na tumugon ang mga miyembro ng pulisya na paiigtingin nila ang pagbabantay sa karagatan katuwang ang mga bantay dagat, gayundin ang mga sundalo na tutulong upang mapahinto ang illegal fishing.  (QUEZON PIO)

 

 
 
BACK