Mga Barangay sa Tatlong Distrito ng Quezon, Napagkalooban ng Health Coupon


 

2014-02-18 10:31:48

 

 

Mahigit limandaang punong barangay mula sa dalawampu’t tatlong bayan sa ikalawa, ikatlo at ikaapat na distrito ng lalawigan ng Quezon ang napagkalooban ng Serbisyong Suarez sa Kalusugan sa pamamagitan ng programang Lingap Kalusugan para sa Quezonian o Medical Health Coupon sa Resma, bayan ng Unisan noong ika-5 ng Pebrero, 2014.

Personal na ipinagkaloob ni Quezon Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ang nasabing health coupon sa mga kapitan na nagkakahalaga ng P25,000.00 bawat barangay.

Umabot naman sa kabuuang P16,200,000.00 ang halaga ng health coupon na naipagkaloob sa tatlong distrito ng lalawigan ng Quezon na maaaring gamitin sa mga pampublikong pagamutan sa probinsya.

Ayon kay Governor Suarez, dapat ang mga programa at proyekto ng pamahalaang panlalawigan ay nakakarating at nararamdaman ng mga maliliit na mamamayan sa barangay kaya naman mga kapitan ang katuwang sa pagpapatupad ng naturang programa.

Ayon pa kay Suarez, naging epektibo at matagumpay ang programang health coupon ay dahil sa pakikiisa at suportang ibinibigay ng mga kapitan. Sa pamamagitan aniya nito ay naibibigay agad ang tulong sa mga mamamayan na nangangailangan ng pambili ng gamot o pambayad sa ospital sa tulong ng mga kapitan na hindi na kailangan pang magtungo sa Capitolyo o sa munisipyo.

Idinagdag pa ng gobernador na para mas mapaganda pa ang serbisyong pangkalusugan na ipinagkakaloob ng kanyang administrasyon ay maglalagay siya ng Serbisyong Suarez Help Desk sa labing-pitong (17) pampublikong pagamutan sa buong lalawigan ng Quezon.

Nagpahayag naman ng pagsuporta si Vice-Governor Sam Nantes sa pagtataguyod ng programang pangkalusugan sa lalawigan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga gamot sa barangay sa tulong ng Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) kung saan director ang kanyang ina.

Nagpasalamat naman ang mga kapitan sa pamumuno ng pangulo ng Liga ng mga Barangay na si Board Member Erwin Esguera sa pamahalaang panlalawigan lalo’t higit kay Governor Suarez sa pagbibigay sa kanila ng tiwala na maipatupad ang naturang programa.

Naging espesyal naman ang pamamahagi ng health coupon sa pagdating ni Majority Floor Leader Senator Alan Peter Cayetano, Congw. Aleta Suarez, dating Cong. Danny Suarez, Board Member Rhodora Tan, Board Member Jet Suarez at mga alkalde ng iba’t ibang bayan mula sa ikalawa, ikatlo at ikaapat na distrito ng Quezon. (Quezon PIO)

 

 
 
BACK