Oral Health At Heart Month, Ipinagdiriwang


 

2014-02-18 10:22:59

 

 

Kaugnay ng pagdiriwang ng Oral Health at Healthy Heart Month ngayong buwan ng Pebrero, nanguna sa isinagawang flag raising ceremony ng pamahalaang panlalawigan ang Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa pangunguna ni Dr. Agripino Tullas.

Ayon kay Tullas na ipinagdiriwang ang healthy heart month para mabigyan ng pansin at importansya ang ating puso na mabigyan ng pangangalaga at pag-iingat sa mga sakit na tulad ng alta presyon na ngayong taon ay may temang “Alta Presyon: Ang Tahimik na Pumapatay”.

Ayon pa kay Tullas na upang makontrol ang mataas na presyon ng dugo ay bawasan ang paggamit ng asin, mas gawing aktibo ang katawan sa pamamagitan ng mga physical acitivities, magbawas ng timbang kung sobra ang timbang sa pamamagitan ng healthy diet at ehersisyo, itigil ang paninigarilyo, bawasan ang pag-inom ng tsa, kape, softdrinks at alak.

nagsagawa din ang IPHO ng free blood screening at counseling para sa mga kawani ng pamahalaang panlalawigan na nawawalan ng oras para makapagpasuri dahil sa trabaho. Gayundin, pinangunahan naman ng mga department head sa pamumuno ni Provincial Administrator Rommel Edano, Jr. ang isang dance exercise.

Ayon kay Edano, na kailangang naglalaan ang lahat ng kahit 10 – 20 minuto para makapagpapawis o makapag-ehersisyo hindi puro trabaho. Inimbitahan din nito ang lahat ng mga nais makilahok sa isasagawang fun ride sa February 16, 2014.

Kaugnay naman ng pagdiriwang ng Oral Health Month ay namahagi ang IPHO ng mga toothbrush sa mga bata sa day care center at pagbibigay ng lecture tungkol sa tamang pangangalaga ng ngipin. Nagkaloob din ng mga toothbrush sa mga kawani ng pamahalaang panlalawigan.

Patuloy namang isinusulong ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng IPHO ang Quezon Go 4 Health: Go smoke free, Go slow sa tagay, Go sustansya, Go Sigla.

Samantala, pinapurihan naman ni Edaño ang IPHO sa nakamit na award of excellence mula sa Department of Health at Center for Health Development CALABARZON sa pagkakaroon ng pinakamataas na detection rate sa buong rehiyon noong taong 2012 at sa walang tigil na pakikiisa at kontribusyon sa pagpapatupad ng National Tuberculosis Program. (Quezon PIO)

 

 
 
BACK