Mga Magsasaka sa Guinayangan, Nagtapos sa Quezon Agri-Eskwela


 

2014-02-18 10:19:39

 

 

Nagtapos sa Quezon Agri-Eskwela on Organic Vegetable Production ang tatlumpung (30) magsasaka mula sa bayan ng Guinayangan na pinangasiwaan ng tanggapan ng panlalawigang agrikultor sa tulong ng pamahalaang bayan ng Guinayangan sa pamumuno ni Mayor Cesar Isaac III.

Ang pag-aaral sa Quezon Agri-Eskwela na programa ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ay isinasagawa upang makapagbigay ng makabagong kaalaman na mas makapagpapataas ng produksyon ng organikong gulay sa lalawigan ng Quezon.

Nag-aaral ang mga magsasaka sa loob ng 16 na linggo at dito tinuturuan sila na magkaroon ng tamang pagdedesisyon mula sa lupa hanggang sa pag-aani. Ang pagtatapos na isinagawa ay upang mahikayat ang iba pang mga magsasaka na magkaroon ang kani-kanilang barangay ng mga pananim na kanilang pagyayamanin.

Pinapurihan naman ni Leonellie Dimalaluan, Provincial High Value Crops Development Program (HVCDP) Coordinator ang mga nagsipagtapos. Ayon sa kanya, magaganda ang resulta ng mga tanim na organikong gulay.

Dagdag pa ni Dimalaluan na sana hindi matapos ang pag-aaral na ito bagkus ay maibahagi sa iba ang mga natutunang iba’t ibang pamamaraan sa pagtatanim ng organiko at ito’y maging kapakipakinabang sa lahat.

Tumanggap naman ang mga nagsipagtapos ng mga vegetable seeds at agricultural inputs mula sa tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor at dalawang knapsack sprayer mula sa tanggapan ng Pambayang Agrikultor na makakatulong upang mas mapaunlad ang paggugulayan at maging ang kabuhayan ng bawat pamilyang magsasaka sa lalawigan. (OPA-Info. & Training Unit, Quezon PIO)

 

 
 
BACK