Provincial Environmental Law Enforcement Summit, Isinagawa sa Quezon


 

2014-01-29 10:15:40

 

 

Nagsama-sama ang iba’t ibang ahensya /sangay ng pamahalaang lokal, nasyonal at non-government organization sa hangaring mapangalagaan ang kalikasan sa pamamagitan ng isinagawang Provincial Environmental Law Enforcement Summit in Quezon sa Batis Aramin, Lucban, Quezon noong January 28, 2014.

Ayon kay Atty. Maria Generosa Mislang, Executive Director ng Tanggol Kalikasan na layunin nito na makapagbuo ng plano ang mga stakeholders ukol sa pagpapatupad sa mga batas pangkalikasan at makapagtukoy ng mga gawaing magsisilbing plan of action na ipatutupad ng mga stakeholder.

Ayon naman kay Mayor Olivier Dator ng Lucban na ipinakikita ng gawaing ito ang pagkakaisang inisyatibo ng bawat isa na panindigan na makamit ang katuparan ng inaasam na enforcement o pagpapatatag ng mga ipinatutupad na provincial environmental law.

Sa pamamagitan aniya nito ay mahihimay-himay ang bawat kaalaman at pagsusuri sa estado ng inisyatibo ng bawat munisipalidad hinggil sa environmental law enforcement ng kani-kanilang nasasakupan.

Ipinahayag naman ni Provincial Administrator Rommel Edano bilang kinatawan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na malaking hamon sa lalawigan ng Quezon kung paano mapoprotektahan ang malaking likas na yaman ng lalawigan dahil sa malawak na lupain at karagatang sakop nito.

Ang gawaing ito ayon kay Edano ay indikasyon na sa lalawigan ng Quezon ay hindi lamang solo ang pamahalaan sa pagbibigay ng pagpapanibago sa pagmamahal sa kalikasan sapagkat ang private sector, government agencies, judiciary at mga local government units ay nagbabayanihan upang pag-usapan kung ano ang mga nararapat na hakbang upanng maibigay ang enforcement pagdating sa pagpaptupad ng mga batas pangkalikasan.

Ayon kay PS/Supt. Ronnie Genaro Ylagan, Provincial Director ng Quezon PNP na marami pa ring nahuhuling nagsasagawa ng mga iligal na pagpuputol ng kahoy, iligal na pangingisda at iba pang iligal na gawain na nakakasira sa kalikasan kaya naman sa pamamagitan nito ay makakapagbalangkas ng mga plano para mapangalagaan ang kalikasan.

Aminado naman si Enrico Damot, Provincial Director ng DILG-Quezon na napakaraming problema sa pagpapatupad ng batas pangkalikasan at napakaraming kailangang gawin tungkol dito kabilang ang kakulangan ng kaalaman at kasanayan, walang pakialam at kooperasyon sa mga ahensya ng pamahalaan at iba pa.

Kaya naman hiniling ni Damot na pag-ibayuhin pa ang pagpapatupad ng batas at maparusahan ang mga lumalabag dito, matigil ang mga iligal na pangingisda, pagpuputol ng kahoy at sabwatan sa mga ahensya ng pamahalaan at iligalista para lubusang mapangalagaan ang kapaligiran upang maihanda sa mga kabataan at susunod na henerasyon.

Sa naturang summit ay nagkaroon ng workshop kung saan pinag-usapan at tinalakay ang kasalukuyang kalagayan ng pagpapatupad ng batas pangkalikasan sa iba’t ibang bayan, ano ang gustong maging kalagayan ng pagpapatupad nito at ano ang kailangang gawin para mangyari at matupad ang nais maging kalagayan sa pagpapatupad ng naturang batas.

Bukod dito, nagkaroon din ng pagtalakay tungkol sa Quezon Environmental Code sa pamamagitan ng Provincial Government – Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO), mga programa at gawain ng Department of Environment and Natural Resources at pagtalakay sa rules of procedures on environmental cases ni Atty. Asis Perez, Director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Nakiisa sa naturang gawain ang ilang mga punong bayan, municipal agriculturist officer, municipal environment and natural resources officer, municipal fisheries and aquatic resources and management council chairs, municipal disaster risk reduction and management officer at hepe ng pulisya ng iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Quezon.

Dumalo din dito ang ilang mga judges at prosecutors sa lalawigan, DILG officer ng bawat bayan, PNP Commander for Public Safety Command, Philippine Navy, Philippine Coastguard, Philippine Maritime, CIDG, BFAR-Regional at Provincial Fisheries Office, DENR-CENRO, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, PG – ENRO, Quezon PIO, criminology students, at ilang non-government at private organization.

Samantala, bago ang naturang summit ay sumailalim sa PNP Training on Environmental Laws ang lahat ng hepe ng pulisya sa lalawigan ng Quezon noong January 27, 2014.

Dito ay binigyan sila ng sapat na kaalaman tungkol sa mga umiiral na batas na may kinalaman sa kalikasan tulad ng Fisheries Code, Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, Clean Water Act in relation to RA 6969, Toxic and Hazardous Waste, Mining and Quarrying Laws, Forestry Code, Chainsaw Act, NIPAS Act at Wildlife Act.

Naisakatuparan ang gawaing ito sa pangunguna ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez, Quezon Police Provincial Office, Department of Interior and Local Government (DILG-Quezon), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Southern Luzon State University (SLSU) sa kooperasyon ng US Agency for International Development (USAID), Tanggol Kalikasan at US Department of Interior – International Technical Assistance Program. (Quezon PIO)

 

 
 
BACK