FIRST AID – Basic Life Support Training, Isinagawa


 

2014-01-24 10:13:50

 

 

Sumailalim sa tatlong araw na pagsasanay sa first aid at basic life support ang mga barangay tanod o bantay bayan at ilang opisyal ng barangay na bahagi ng Barangay DRRMC na nagmula sa animnapu’t anim (66) na barangay ng lungsod ng Tayabas noong January 20 – 22, 2014.

Sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) itinuro sa mga nagsanay ang mga bandaging technique, patient / casualty handling, rescue breathing at cardio pulmonary resuscitation.

Ayon kay Melvin Rada, Tayabas Disaster Risk Reduction and Management Officer na layunin ng pagbibigay ng pagsasanay sa mga barangay tanod at ilang opisyal ng barangay ay para mapalakas at magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga nasa barangay level na unang naapektuhan at unang nagreresponde sa panahon ng kalamidad sa kanilang lugar.

Ayon pa kay Rada na isa pa sa layunin ng pagsasanay na ito ay bilang paghahanda sa isasagawa nilang First Aid Olympics na nasa ikalawang taon na. Ito ay lalahukan ng lahat ng barangay sa lungsod ng Tayabas na magpapagalingan sa pagbibigay ng first-aid na kauna-unahang nakapagsagawa sa lalawigan ng Quezon.

Gayundin, kapag na-establish na nila ang barangay level ay isusunod naman nila mga paaralan sa lungsod ng Tayabas dahil ayon kay Rada na walang magiging problema ang lokal na pamahalaan kung handa ang mga barangay sa anumang kalamidad.

Nakikiisa din si Tayabas Mayor Faustino “Dondi” Silang sa programa ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno Governor David “Jay-Jay” Suarez sa pagpapalakas ng mga Disaster Risk Reduction and Management Council (DRMMC) lalo’t higit ang mga Barangay DRRMC na nauunang tumugon sa pangangailangan ng kanilang mg kabarangay.

Nagsilbing tagapagsanay ang mga tauhan ng PDRRMO na sina Niel Parco, Jeoffrey Reig at Monica Bilog. (Quezon PIO)

 

 
 
BACK