Class AA Slaughterhouse sa Gumaca, Pinasinayaan


 

2014-01-16 10:10:38

 

 

Pormal nang pinasinayaan ni Quezon Governor David “Jay-Jay” C. Suarez at Vice-Governor Samuel Nantes ang bago at modernong slaughterhouse sa Brgy. Mabini, bayan ng Gumaca noong January 15, 2014.

Ayon kay Governor Suarez malaking tulong sa hanapbuhay at kalusugan ng mga taga-Gumaca ang naturang slaughterhouse, gayundin ang mga karatig-bayan nito.

Ayon pa sa gobernador na sa pagkakaroon nito ay masisiguro na ang mga kinakain at ibinebentang karne sa palengke ay kinatay at naihanda sa maayos at malinis paraan dahil kung hindi, ito ang nagiging sanhi ng mga sakit.

Nagpasalamat naman si Mayor Erwin Caralian ng Gumaca sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamumuno ni Governor Suarez sa pagbibigay ng dalawang milyong pisong karagdagang pondo para matapos ang modernong slaughterhouse.

Ipinagmalaki din ni Mayor Caralian ang pagbibigay ng Class AA accreditation sa naturang slaughterhouse ng National Meat Inspection Service (NMIS) at kasalukuyang pinakikinabangan na ng kanilang bayan.

Samantala, binisita din ni Governor Suarez ang ipinapagawang modern slaughterhouse na magkatuwang na proyekto ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon at pamahalaang bayan ng Atimonan sa Brgy. Talaba sa naturang bayan.

Sa pakikipag-usap ng gobernador sa mga opisyal ng barangay na para maging kapakipakinabang ito ay ang mga ilalagay na kagamitan dito ay makabago para maging double A accredited ng National Meat Inspection Service.

Tutulungan din ang barangay na makapagsagawa ng lakbay-aral sa mga bayang may modernong slaughterhouse para masaksihan ang tamang pagpapatakbo, pamamalakad at kung ano ang posibleng income ang kikitain ng barangay bukod sa income ng naturang bayan. (Quezon PIO)

 

 

 
 
BACK