Ilang District Hospital sa 4th District, Binisita; Pamamahagi ng Health Coupon, Isinabay


 

2014-01-16 09:58:25

 

 

Sa pagsisimula ng taon, limang bayan sa ika-apat na distrito ang napagkalooban ng medical health coupon sa ilalim ng Serbisyong Suarez sa Kalusugan sa programang Lingap Kalusugan para sa Quezonian sa pangunguna ni Quezon Governor David “Jay-Jay” C. Suarez noong January 15, 2014.

Personal na tinanggap ng 286 na kapitan ng mga barangay na nagmula sa mga bayan ng Atimonan, Plaridel, Gumaca, Lopez at Calauag ang naturang mga health coupon.

Umabot sa P7,150,000 ang halaga ng health coupon ang naipagkaloob sa limang bayan kung saan ang bawat kapitan ay tumanggap ng P25,000 halaga ng medical coupon na maaaring gamitin sa mga pampublikong pagamutan sa lalawigan ng Quezon.

Ayon kay Governor Suarez, sa mga kapitan ipinapaubaya ang mga health coupon dahil sila ang nagsisilbing tulay at katuwang para makarating ang mga programa ng pamahalaang panlalawigan sa mga maliliit na mamamayan sa probinsya.

Ayon pa sa gobernador na sa loob ng dalawang taon na pagpapatupad ng naturang programa ang mga kapitan ang naging dahilan kung bakit naging matagumpay ito na umabot sa mahigit 170,000 Quezonian ang natulungan ng health coupon.

Sa pamamagitan aniya nito ay naibibigay agad ang tulong sa mga mamamayan na nangangailangan ng pambili ng gamot o pambayad sa ospital sa tulong ng mga kapitan na hindi na kailangan pang magtungo sa Capitolyo.

Idinagdag pa ng gobernador na para mas mapakinabangan ang health coupon ay dapat napapaganda din ang serbisyo ng mga ospital kaya naman binisita niya kasama sina Vice-Governor Sam Nantes at 4th District Board Member Rhodora Tan ang dalawang pampublikong pagamutan sa ika-apat na distrito, ang Dona Marta Memorial District Hospital sa Atimonan na malapit ng matapos at Gumaca District Hospital na kauna-unahang Multiple Drug Resistance TB sa buong lalawigan ng Quezon.

Bilang katuwang naman ni Governor Suarez sa pagtataguyod ng kalusugan sa lalawigan, nagbibigay din ng tulong si Vice-Governor Sam Nantes sa pamamagitan ng Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) kung saan director ang kanyang ina ay nagkakaloob ng mga gamot sa barangay sa pamamagitan ng resolusyon na ibibigay ng mga barangay.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga kapitan na tumanggap ng health coupon dahil sa pagkakaloob ng naturang programa at pagbibigay tiwala sa mga kapitan sa pagpapatupad nito ay nakakapagbigay sila ng tulong sa kanilang mga kabarangay na hindi na nila kailangang kumuha sa sariling bulsa at higit sa lahat nararamdaman ng maliliit na mamamayan sa barangay ang serbisyo ng pamahalaang panlalawigan. (Quezon PIO)

 

 
 
BACK