Bilang ng mga naputukan sa Quezon, Umabot sa 75


 

2014-01-03 09:31:01

 

 

Umabot sa pitumpu’t lima (75) ang naging biktima ng paputok simula noong kapaskuhan hanggang sa pagdiriwang ng bagong taon sa buong lalawigan ng Quezon.

Ayon kay Dr. Grace Santiago, Assistant Integrated Provincial Health Officer, sa kabila ng panawagan ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng kanilang tanggapan ay madami pa din ang naging biktima ng paputok sa lalawigan ng Quezon.

Ayon pa kay Santiago na sa 75 na biktima ay isa dito ang naging biktima ng ligaw na bala sa bayan ng Candelaria, Quezon. Nakilala ang biktima na si Raul Alday, 43 taong gulang, residente ng Candelaria, Quezon at nagtatrabaho bilang janitor sa Candelaria District Hospital.

Ayon pa dito na karamihan sa mga naging biktima ay mga kabataan at bata na dahil sa paputok na Piccolo na sa kabila ng pagbabawal ng Department of Health ay madami pa din ang gumamit.

Matatandaan na sa huling flag raising ceremony ng pamahalaang panlalawigan noong December 23 ay pinaalalahanan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ang lahat ng mga kawani at buong mamamayan ng lalawigan ng Quezon sa ligtas at masayang pagsalubong sa bagong taon.

Hindi din nagkulang ang tanggapan sa pagpapaalaala sa pagbabawal sa paggamit ng paputok na Piccolo at iba pang malalakas na paputok sa pamamagitan ng kampanyang Iwas Paputok.

Sa atas din ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ay naging alerto din ang lahat ng pampublikong ospital sa buong lalawigan ng Quezon simula pa noong pagdiriwang ng kapaskuhan hanggang sa pagsalubong ng bagong taon. (Quezon PIO)

 

 
 
BACK