Q1K Provincial Launching, Tagumpay na Isinagawa!


 

2017-08-21

 

 

Tagumpay na isinagawa ngayong ika-21 ng Agosto ang malawakang paglulunsad ng isa sa ipinagmamalaking programa ng lalawigan ng Quezon, ang Quezon’s First 1,000 Days of Life o Q1K na dinaluhan ng aabot sa 8,000 na mga health workers mula sa iba’t-ibang bayan at distrito. Pinangunahan ng ama ng lalawigan, Gob. David C. Suarez  ang makasaysayang kaganapan kung saan nakiisa rin si ALONA Partylist Representative Anna V. Suarez, Vice Gov. Samuel Nantes, mga mayors, board members, ilang kawani ng lokal at panlalawigang pamahalaan at panauhing tagapagsalita na si Hon. Grace Poe-Llamanzares upang magbigay ng kanilang isang daang porsyento ng suporta sa programa.

 

Ang programang Q1K ay nakasentro sa unang isang libong araw ng isang sanggol mula sa sinapupunan ng isang ina. Sinisiguro sa nasabing programa ang pagkakaroon ng wastong impormasyon at tulong pang-medikal na kinakailangan ng mag-ina sa tulong ng Q1K technical working group mula sa pamahalaang panlalawigan sa suporta at gabay ni Gob. Suarez.

 

Sa kanyang pambungad na pananalita, lubos na nagpasalamat si Gob. Suarez sa mga patuloy na sumusuporta sa programa at sa mga nagsidalo upang saksihan ang opisyal na paglulunsad ng programang personal niyang pinaglalaanan ng panahon upang mas bigyang pansin ang kaunlaran ng kanyang mga kababayan. Gayundin ay ipinaabot ng gobernador ang kanyang pagpapahalaga sa aktibong pakikiisa ng bawat bayan sa kasalukuyang idinaraos na Niyogyugan Festival na taon-taong dinarayo ng mga turista mula sa iba’t-ibang panig ng bansa.

 

“Nagpapasalamat po ako sa inyong lahat. Sa lahat ng mga mayors na nakiisa sa tagumpay ng Niyogyugan Festival, sa mga booths na resulta ng husay at galing ng inyong mga kababayan. Every year it becomes a more glorious celebration. Masaya po akong ibinabalita sa inyo na kasama na po sa sched ng tourism events ng Department of Tourism ang Niyogyugan Festival., ito po ay resulta ng galing, husay at talento ng mga kababayan.” pambungad ni Gob. Suarez.

 

Tinalakay sa programa ang kahalagahan ng implementasyon ng Q1K sa lalawigan, gender issues in maternal care, parental care for the First 1,000 Days of Life, Q1K best practice at pagbibigay ng parangal at pagkilala sa mga best implementers ng programa sa kanilang bayan. Pinarangalan sa nasabing pangyayari ang best Q1K coordinator at tatlong bayan mula sa 12 pilot municipalites na naglunsad ng programa na nagpakita ng natatanging dedikasyon sa pagsasagawa nito sa kanilang lugar, ito ay ang Mauban, San Antonio at Unisan. Kaugnay nito ay binigyan rin ang tatlong bayan ng tig-iisang milyon na halaga ng pondo mula sa lokal na pamahalaan upang magamit nila sa kanilang mga proyekto sa hinaharap.

 

Samantala, binigyang papuri naman ni Hon. Grace Poe-Llamanzares ang pagkakaroon ng lalawigan ng ganitong programa. Aniya, bihira lamang ang mga ganitong uri ng programa na nagbibigay-pansin sa mga kabataan at sa kanilang kalusugan. Dagdag pa rito ay binigyang-pagkilala rin niya ang mga tao sa likod ng programa sa pangunguna ni Gob. David C. Suarez na patuloy sa pagpapa-igting sa sektor ng kalusugan sa lalawigan.

 

“Napakahalaga ng mga programang nakatutok sa kalusugan ng mga bata. Habang nasa tiyan pa lang ng ina, dapat ay nabibigyan na sila ng sapat na nutrisyon at kalinga. Ito ang puhunan nila para magtagumpay sa buhay. Sa madaling sabi, ang First 1,000 Days ang pinakamabisang paraan sa pagpuksa sa kahirapan. Bihira sa mag-asawa sa politika na nasa parehong programa para sa mga bata. Ang mga ganitong inisyatibo, wala nito sa buong Pilipinas, dito lang sa Quezon! Napaka-galing! Congratulations sa inyo, sa pangunguna ni Gob. kasi, hindi kaya ng nasa itaas lang yan. Lahat kailangan ng kooperasyon. Ako’y kaisa ninyo dito!” ayon kay Sen. Poe-Llamanzares.

 

Malakas naman ang paniniwala ni Gob. Suarez na sa tulong ng Q1K program ay magkakaroon ang lalawigan ng Quezon ng mga mas produktibo at malulusog na mamamayan.

 

“Hindi man natin makita ang epekto nito bukas o sa susunnod na taon, but I promise you that the next generation of Quezonians will look back at sasabihin nila sa lahat ng nandirito, thank you! Because today we decided to give them a better future, at sa palagay ko, yun ang isa sa pinakamaganda nating ambag sa lalawigan. That’s how simple the program is.” pagtatapos ng gobernador. (Quezon – PIO)

 
 
BACK