KAMPANYA LABAN SA RABIES, PATULOY NA TINUTUTUKAN


 

2016-09-20

 

 

Upang mapuksa ang rabies, patuloy na isinasagawa ng Provincial Veterinarian’s Office ang libreng pagbabakuna sa mga alagang aso’t pusa sa Lalawigan ng Quezon. Bukod sa regular na pagdaraos ng mga Animal Medical Mission sa iba’t ibang sulok ng probinsya, minabuti na rin ng naturang tanggapan na magsagawa ng libreng check-up at pagbabakuna sa kanilang tanggapan sa Capitol Compound, Lucena City tuwing araw ng Lunes.

 

Ang serbisyong ito ay regular na isinasagawa sa kanilang opisina sa Talipan, Pagbilao, subalit minabuti ng tanggapan na gawin na rin ito sa kapitolyo para mas madali silang mapuntahan ng mga tao sa lungsod.

 

Ang inisyatiba na ito ay isa lamang sa mga inilatag na hakbang ng Provincial Rabies Prevention, Control, and Eradication Committee (PRPCEC) para maiwasan ang pagkalat ng nasabing sakit. Bukod rito, patuloy ang kanilang rabies surveillance sa mga bayan na mayroong reported cases, information campaign sa pamamagitan ng mga advocacy activities at distribution of IECs, at pakikipag-ugnayan sa mga Animal Bite Treatment Centers.

 

Matatandaan na una nang nadeklarang “Rabies Free” ang mga bayan ng Alabat, Perez, at Quezon noong 2015. Ayon kay Dr. Flomel Caguicla, Provincial Veterinarian, hangad nila na mapabilang sa listahang ito ang Jomalig, Panukulan, Patnanungan, Burdeos at Polilio. Dagdag rin niya na patuloy ang pagbaba ng mga naitatalang kaso ng sakit sa lalawigan.

 

Isa sa mga nakikitang hadlang sa pagiwas sa human rabies cases ay ang kawalan ng disiplina ng mga mismong nakagat sa pagkumpleto ng kanilang mga turok. Ayon sa DOH, sa taong ito ay malaki ang pondo ng DOH para sa supply ng mga bakuna kaya naman hindi dapat maging problema ang kawalan ng gamot. Kanila rin na ipinaliwanag ang dahilan kung bakit sa isang bite center lang dapat magsisimula at magtatapos ang pagpapagamot ng pasyente. Ito raw ay para masiguro na nasa tamang oras at araw ang pagturok at parehas na klase ng gamot ang maibibigay.

 

Bukod sa pagbabakuna ng mga alagang aso at pusa, nagbigay din ang Provincial Veterinarian’s Office ng mga mahahalagang impormasyon sa mga pet owner ng tungkol sa pagiging isang responsableng tagapag-alaga ng hayop. Napakahalaga na iparehistro ang mga alaga at huwag hayaang pagala-gala. Humihingi rin ang PRPCEC ng higit na suporta mula sa mga munisipyo at barangay upang maibaba sa komunidad ang mga batas patungkol sa rabies at tamang pag-trato sa mga hayop. (Quezon PIO)

 
 
BACK