Homecoming at thanksgiving concert ng QMSV ginanap


 

2016-07-22

 

 

Isang gabing puno ng musika ang inihandog ng Quezon Science Madrigal Virtuosos (QMSV) sa isang homecoming at thanksgiving concert na ginanap sa Pacific Mall Event Theatre nitong nakaraang July 16.

 

Pinangalanang Padayon na mula sa salitang dayon na nangangahulugang ‘magpatuloy’, ang nasabing concert ay bilang pagdiriwang at pasasalamat sa karangalang tinamo ng QMSV sa katatapos lamang na Orientale Concentus IX sa bansang Singapore noong July 1-4 kung saan iniuwi nila ang mga parangal na Gold Diploma Grade 3 sa Folklore Category at Silver Diploma Grade I sa A4 Mixed Voices (Junior Youth).

 

Nahati sa tatlong bahagi ang programa kung saan ipinamalas ng kabataang manganganta ang kanilang kakayanan sa pag-awit. Ilan sa mga inawit ng grupo ang mga kantang ‘Seasons of Love’, ‘Paraiso’ ni Ryan Cayabyab, ‘Kruhay’ na komposisyon ng Antiqueñong musikero na si Benny F. Castillon at ‘Chua-ay’, isang katutubong kanta ng mga Igorot na siya ring naging pyesa ng grupo sa nagdaang kompetisyon.

 

Tampok rin sa konsyerto ang pakikilahok ng Tarlac State University Chorale (TSUC) na binansagang ‘Singing Ambassadors of Tarlac’ na kilala sa pag-awit ng iba’t-ibang estilo tulad ng makabagong kanta, tradisyonal at katutubong kanta. Ipinamalas nila ang kanilang kakayahan sa pag-awit ng Sa’yong mga Yapak, Pasigin, at Banwar Iti.

 

Sa pagtatapos ng konsyerto ay isang rendisyon ng This is the Moment ang kanilang inawit na agad namang sinundan ng isa pang pyesang pangkompetisyon ng QMSV na pinamagatang Padayon. Matapos ang mga pasasalamat ay tinapos ng dalawang grupo ang kaganapan sa kanilang magkasamang pag-awit ng Piliin mo ang Pilipinas.

 

 

Ang Quezon Science Madrigal Virtuosos ay binuo noong 2013 at unang nakilala sa tawag na Quezon Science Chamber Choir. Sa pamumuno nina G. Jose Israel C. Deza bilang choirmaster at Bb. Maria Rosanna Quiambao bilang tagapayo ay nakatanggap ng pagkilala ang grupo hindi lamang sa paaralan kundi maging sa ibang bansa matapos ang kanilang pagpupunyagi sa nakaraang Orientale Concentus IX. (Quezon PIO)

 
 
BACK