Federalism ipinaliwanag nina Senator Pimentel at Gov. Suarez


 

2016-07-22

 

 

Itinaguyod ni Gov. David "JayJay" C. Suarez ang kaunaunahang federalism forum kung saan naging tagapagsalita ang dating senador na si Aquilino "Nene" Pimentel na ginanap sa Queen Margaret Hotel noong hulyo 19, taong kasalukuyan.

 

Dumalo sa pagtitipon ang 28 mayors, 37 vice-mayors, mga konsehal, mga miyembro ng sangguniang panlalawigan, at mga miyembro ng sangguniang bayan sa buong lalawigan. Dumating din si DILG Director for Region 4-A Manuel Q. Gotis at mga Department Heads ng lalawigan.

 

Nagpahayag ng suporta si Gov. Suarez sa panukala ni Pangulong Duterte sa bagong reporma ng gobyerno.

 

Ayon kay Gov. Suarez, ang federalism forum na ito ay inorganisa ng Provincial Government para mas maintindihan ng mga Quezonian kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng pederalismo at kung pano ito makakatulong upang mapaunlad ang lalawigan ng Quezon.

 

Bilang dagdag kaalaman, ang Calabarzon ay isa sa mga rehiyon na may pinakamataas na kontribusyon sa gross domestic product ng ating bansa. Hindi bababa sa P60 bilyon kada taon ang binabayad na buwis na nagmumula pa lamang sa lalawigan ng Quezon, kung kayat tunay na masasabing malaki ang ambag ng rehiyon sa patuloy na pag unlad ng Pilipinas.

 

Ayon kay Pimentel, balak niyang bumuo ng 11 na estado na kakapalooban ng mga kasalukuyang rehiyon sa pilipinas. Sa ilalim ng pederalismo, ipapasa ang pamamahala ng mga programang pangkalusugan, agrikultura, at social welfare sa lokal na gobyerno upang magkaroon sila ng higit na kontrol sa mga proyektong nais nilang gawing prayoridad. Naniniwala siya na tunay na kinakailangang palakasin ang local government code at magagawa ito sa tulong ng panukala.

 

Dagdag pa ni Pimentel, katungkulan ng mga barangay, munisipyo, syudad at probinsya na alagaan ang ating kapaligiran kahit na tumatanggap tayo ng mga namumuhunan at mga nagmimina sa ating teritoryo. Kailangang siguraduhin natin na ang mga batas na nagbibigay proteksyon sa kapaligiran ay masusunod.

 

Matapos magbigay ng kanikanilang pahayag ukol sa pederalismo sinagot nina pimentel at suarez ang ilang mga issue patungkol sa teknikalidad ng pagpapatupad ng panukala, at pati na rin ang usapin ng death penalty, at pagsasaayos ng mga munisipalidad.

 

Sa kasunod na buwan ay mayroon nakahanay na diskusyon patungkol uli sa tinalakay na paksa, kung saan ito ay inaasahang dadaluhan ng mga academes, mga kinatawan ng private sectors, miyembro ng religious groups, at iba pang NGO's at PO's. (Quezon, PIO)

 
 
BACK