Nutrition Month Celebration, isinagawa Gov. David C. Suarez Unang Kampyon sa 1000 Days Program ng DOH


 

2016-07-14

 

 

Lungsod ng Lucena - Muli na namang tumanggap ng pagkilala bilang “unang kampyon” sa pagpapatupad ng “First 1000 Days” sa pormal na paglulunsad ng programa ng Department of Health (DOH) at National Nutrition Council (NNC) ang lalawigan ng Quezon at si Gov. David C. Suarez, kamakailan.

Unang kinilala ang Quezon’s First 1000 Days of Life o Q1K, ang naturang programa na sinimulan noong Disyembre ng nakaraang taon na nakatuon sa pangkabuuang programa sa kalusugan ng mga nagbubuntis na ina at ng kanilang mga anak.

Ayon sa mga eksperto, mahalagang mapagtuunan ng pansin ang paglaki ng bata sa loob ng unang isang libong araw ng kanyang buhay. Dito nagmula ang pangalan ng programa kung saan ang mga benepisyaryo ay pinaglalaanan ng serbisyong pangkalusugan ng lokal na pamahalaan. Kasama sa mga bahagi ng programa ang pangangalaga sa wastong nutrisyon ng nagbubuntis at ng kanyang anak pati na rin regular na check up at laboratory test ng mga buntis na ina.

Kaalinsabay ng paggunita sa buwan ng nutrisyon ay napili ng DOH at NNC na ilunsad ang programa sa Quezon bilang pakikiisa sa layunin ng lalawigan na mapanatili ang matatag na pamayanan sa pamamagitan ng programang Q1K. Para sa kanyang kontribusyon bilang tagapagpasimula ng programa, tinagurian si Gov. David C. Suarez bilang “first champion” ng 1000 Days program.

Ayon sa DOH, ang 1000 Days ay nakalatag na ipatupad sa siyam na hindi pa napapangalanang mga probinsya. Bilang pagsuporta sa adhikaing ito ay nagkusa ang ama ng lalawigan na maging spokesperson para dito samantalang kanya ring inilahad ang pagpapasa ng House Bill 899 sa kongreso na naglalayong mapabilis pa ang implementasyon ng programa sa buong bansa. Ipinasa ang panukala ng maybahay ng gobernador na si ALONA partylist representative Ana Marie Villaraza-Suarez.

Inihalad ni Gob. Suarez na ang kanyang inspirasyon sa pagpapatupad ng mga programa para mga kalalawigan ay bunga ng kanyang pagmamahal sa kanyang pamilya. Naniniwala ang gobernador na hindi lamang nakasalalay sa industriya at imprastraktura ang pag-unlad kundi pati na rin sa paglalaan sa ikabubuti ng mga mamamayan. Dahil sa mga adhikaing ito ay nakatanggap ang lalawigan ng Quezon ng Galing Pook Program para sa mga ipinatupad na programa partikular na ang Quezon’s 2-in-1 kung saan ay sabay-sabay na nagtanim ng bakawan sa buong lalawigan at ang Lingap Kalusugan para sa Barangay na isa pa ring programang pinasimulan ng Quezon na namamahagi ng mga health coupon para sa pampublikong ospital. (Quezon PIO)

 
 
BACK