PAGGUNITA SA NATIONAL DISASTER CONSCIOUSNESS MONTH, PINANGUNAHAN NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN


 

2016-07-04

 

 

Pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang paggunita sa National Disaster Consciousness Month ngayong buwan ng Hulyo.

 

Sinimulan ito sa pamamagitan ng motorcade na nilahukan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga local disaster risk reduction and management office at mga samahan na katuwang sa pagsagip ng buhay.

 

Layunin nito na mabigyan ng impormasyon ang publiko tungkol sa ginugunitang National Disaster Consciousness Month at maging handa sa anumang uri ng kalamidad o sakunang maaaring maganap.

 

Sinundan ito ng pangunguna sa flag raising ceremony ng pamahalaang panlalawigan kung saan isinagawa ang isang minutong pagsirena ng mga rescue vehicle, pagpapalipad ng mga paru-paro at isang minutong katahimikan para alalahanin ang mga naging biktima ng kalamidad.

 

Ayon kay Dr. Henry Buzar, Head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na base sa tema ngayong taon na “Kahandaan at Pagtugon sa Sakuna, Tungkulin ng Bawat Isa” hindi lamang tungkulin ng pamahalaan ang pagiging handa at pagtugon sa sakuna kundi tungkulin ng bawat isa magmula sa pamilya dapat tayo ay handa at nakahandang tumugon din sa mga mangyayari sa mga mahal natin sa buhay.

 

“Ganon din ang neighborhood natin, ang community dapat nakatutugon ang mga barangay sapagkat sila ang humaharap kung may mga disaster, gayundin ang munisipyo, lalawigan, region at national government,” dagdag pa ni Buzar.

 

Mahalaga din aniya ang pakikiisa at pagsama ng pribadong sektor sapagkat marami silang resources na maaaring magamit sa panahon ng kalamidad.

 

Buong pagmamalaki ding ibinalita ni Buzar na ang DRRMO ng lalawigan ng Quezon ang kauna-unahan sa Region IV na may 24/7 operation.

 

Ayon naman kay Provincial Administrator Rommel Edaño, sa bahagi ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ay buong taong naghahanda at hindi tuwing buwan lamang ng Hulyo o Agosto dahil sa climate change ay hindi na matiyak kung ano ang maaaring kalamidad ang kaharapin ng lalawigan ng Quezon.

 

Dagdag pa ni Edaño na bahagi ng disaster preparedness and mitigation ng pamahalaang panlalawigan ang mga programa ni Governor Suarez sa ilalim ng Securing Quezon’s Future ang pagtatanim ng mga puno.

 

Sinikap din aniya ng pamahalaang panlalawigan na makabili ng mga gamit na mahalaga sa panahon ng kalamidad tulad ng radio communication equipment na ipinamahagi sa bawat bayan.

 

Patuloy din ang pagsasanay na ginagawa sa pangunguna ng PDRRMO sa mahigit 1,500 luntiang katipunero na maaaring maging katuwang tuwing sumasapit ang sakuna.

 

Bilang karagdagang paghahanda, ang bawat bayan sa lalawigan ay magbabayanihan sa paglilinis ng mga kanal para maiwasan ang pagbaha, pagpuputol ng mga sanga ng puno na tumatama sa mga linya ng kuryente at iba pa. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK