MANGROVE PLANTING AT COASTAL CLEAN-UP, ISINAGAWA NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN


 

2016-06-30

 

 

Kaugnay ng pagdiriwang ng Provincial Mangrove Day at Environment Month ay nagsagawa ang pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ng Provincial Government – Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) ng pagtatanim ng mga bakawan at paglilinis ng baybaying dagat sa bahagi ng Barangay Dalahican sa lungsod ng Lucena noong June 30, 2016.

 

Ayon kay Manuel Beloso, pinuno ng PG-ENRO na ang proyektong ito ay bahagi ng hangarin ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na maging maayos ang kinabukasan ng mga mamamayan ng Quezon sa ilalim ng programang Securing Quezon’s Future.

 

Kaya naman napakahalagang mapanatili ang kalinisan ng mga dalampasigan ng lalawigan ng Quezon at mapangalagaan ang yamang-dagat na pinagkukunan ng mga pagkain at kabuhayan ng mga naninirahan malapit dito.

 

Patuloy din ang pagsasagawa ng information and education campaign ng tanggapan sa mga naninirahan sa naturang barangay upang matutunan ang tamang pagtatapon ng basura at pangangalaga sa kapaligiran.

 

Sa bahagi naman ng Mangrove Day, ipinagdiriwang ito sa lalawigan ng Quezon tuwing June 30 dahil sa tagumpay ng isinagawang Quezon’s 2 in 1 noong June 30, 2012 kung saan mahigit 2.7 milyong bakawan ang naitanim sa loob ng isang araw.

 

Nakiisa sa pagtatanim ng mga bakawan at paglilinis ng baybay-dagat ang mga mag-aaral at guro ng ABE College, ilang opisyal ng barangay at mga residente ng naturang lugar. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK