ADOPT-A-REEF PROJECT, ISINAGAWA SA BAYAN NG AGDANGAN


 

2016-07-21

 

 

Pinangunahan ng pamahalaang lokal at Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ng Bayan ng Agdangan ang isinagawang Adopt-a-Reef Project sa kagaratang sakop ng naturang bayan, kamakailan.

 

Ang naturang proyekto ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa pamamagitan ng tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa pangangasiwa ni Roberto Gajo.

 

Mahigit dalawampu’t tatlong (23) artificial reef ang inilagay sa karagatang sakop ng bayan ng Agdangan sa tulong ng pitumpu’t limang (75) mangingisda mula sa Brgy. Binagbag, Salvacion, Sildura, Silangang Calutan at Kanlurang Calutan.

 

Layunin ng naturang proyekto na magkaroon ng karagdagang tirahan ang mga isda upang tumaas ang bilang ng mga nahuhuling isda na bumaba dahil sa hindi tamang panghuhuli o illegal fishing na mahigpit na ipinagbabawal ng pamahalaang panlalawigan.

 

Upang matiyak na mapangangalagaan ang mga artificial reef ay pinagkalooban din ng pamahalaang panlalawigan ang naturang bayan ng motorize bangka fiber at anim (6) na non-motorize bangka na magagamit sa pagbabantay sa mga ito.

 

Nagbigay din ang pamahalaang panlalawigan ng lambat at similya na siyang magagamit ng mga mangingisda sa naturang bayan.

 

Lumagda naman sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang pamahalaang lokal na katunayan na may pananagutan silang pangalagaan ang karagatan na kung saan nakalagay ang artificial reef.

 

Bukod sa naturang proyekto, ipinaliwanag din ni Ramon Querubin, pinuno ng Fisheries Division sa Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ang tungkol sa Seaweed Project ng pamahalaang panlalawigan na maaaring maging alternatibong pagkakakitaan ng mga mangingisda.

 

Katuwang ng pamahalaang lokal at Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ang Municipal Fisheries and Aquatic Resources Management Council (MFARMC) ng bayan ng Agdangan sa pangangalaga sa nasabing proyekto. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA Info. Training Unit)

 
 
BACK