2,000 KAWAYAN, ITINANIM SA MAAPON RIVER


 

2016-06-27

 

 

Pinangunahan ni Khun Sukanya Seriyothin, President & CEO ng PTT Philippines Corporation kasama sina Paul Patrico Senador, President ng PTT Philippines Foundation Inc., Mayor Emmanuel Torres at PG-ENRO Manuel Beloso ang pagtatanim ng dalawang libong (2,000) kawayan sa bahagi ng Maapon River sa bayan ng Sampaloc noong June 24, 2016.

 

Ang isinagawang pagtatanim ay kaugnay ng pagdiriwang ng Arbor Day at Environment Month ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Provincial Government on Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) at bahagi ng Maapon River Rehabilitation Project ng PTT Philippines Foundation Inc.

 

Katuwang ng kumpanya at pamahalaang panlalawigan sa naturang proyekto ang lokal na pamahalaan ng Sampaloc na nauna nang nagkaroon ng MOA Signing upang maging matgumpay ang proyekto.

 

Ayon kay Mayor Torres, napapanahon ang naturang proyekto para muling maisaayos ang ilog at makatulong sa bamboo livelihood project sa kanilang bayan.

 

Upang masigurong mabubuhay at lalaking maayos ang mga itinanim na kawayan ay nakatalagang magbantay at mangalaga sa mga ito ang Sampaloc Bamboo Livelihood Association.

 

Nagpasalamat naman si Manuel Beloso sa PTT Philippines sa pagsuporta sa mga programa ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa pangangalaga sa kalikasan sa lalawigan ng Quezon.

 

Bukod sa 2,000 kawayang itinanim ay muling magkakaloob ang PTT Philippines ng karagdagang 2,000 kawayan para sa naturang proyekto.

 

Nakiisa at sumuporta din sa naturang proyekto ang Kiwanis Club of Lucena City sa pamumuno ni Janet Buelo, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)-Pagbilao, CENRO, Sampaloc National High School, Sampaloc Bamboo Livelihood Association, iba’t ibang religious group at opisyal ng 14 na barangay ng bayan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 

 

Photo 1 Caption:

Pinangunahan nina Khun Sukanya Seriyothin, President & CEO ng PTT Philippines Corporation (2nd left), PG-ENRO Manuel Beloso (left), Mayor Emmanuel Torres (2nd right) at Asst. PG-ENRO Manny Calayag ang pagtatanim ng dalawang libong (2,000) kawayan sa bahagi ng Maapon River sa bayan ng Sampaloc bilang bahagi ng Maapon River Rehabilitation Project. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
 
BACK