LALAWIGAN NG QUEZON, MULING NAKIISA SA NSED


 

2016-06-22

 

 

Muling nakiisa ang lalawigan ng Quezon sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ng Office of the Civil Defense noong June 22, 2016.

 

Ang naturang earthquake drill ay pangalawang beses ngayong taon na isinagawa upang maging pamilyar at makasanayan ng mga mamamayan ang mga dapat gawin kung sakaling may mangyaring lindol.

 

Sa ganap na alas-9 ng umaga ay isang minutong tumunog ang sirena ng kapitolyo bilang hudyat ng earthquake drill at sabay-sabay na nagduck, cover and hold ang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan.

 

Sabay-sabay ding isinagawa ito sa iba’t ibang bayan at mga paaralan sa buong lalawigan ng Quezon katuwang ang Municipal Disaster Reduction Management Council ng bawat bayan.

 

Nakiisa din sa naturang earthquake drill ang iba’t ibang tanggapang nasyonal na matatagpuan sa bahagi ng Grand Central Terminal sa Ibabang Dupay, lungsod ng Lucena tulad ng DILG, TESDA, PRC, PhilHealth, Pag-Ibig, SSS, BIR, DTI at iba pa.

 

Ang nationwide simultaneous earthquake drill o Pagyanig 2016 ay kampanya ng Office of the Civil Defense at NDRRMC upang hikayatin ang publiko na makiisa sa earthquake drill at magbigay ng sapat na kaalaman sa kahalagahan ng kahandaan sa mga kalamidad partikular ang lindol.

 

Sa bahagi ng lalawigan ng Quezon, sinisiguro ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na laging nakahanda ang PDRRMC at lahat ng bayan sa anumang maaaring mangyaring kalamidad tulad ng lindol. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK