Mga Magsasaka, Sumailalim sa Pagsasanay


 

2016-05-18

 

 

Sumailalim sa dalawang (2) araw na pagsasanay ang mahigit tatlumpung (30) magsasaka mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Quezon tungkol sa operasyon at pagmimintina ng flat bed dryer sa pangangasiwa ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor.

 

Ayon kay Provincial Agriculturist Roberto Gajo, layunin ng naturang pagsasanay na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga magsasaka sa tamang paggamit ng kagamitan at pasilidad na ipagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan na magagamit sa pagpapatuyo ng mga palay, mais, binhi at iba pang agricultural commodities na angkop sa nasabing pasilidad.

 

Kabilang sa mapagkakalooban ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez ng flat bed dryer at moisturizer ay bayan ng Mauban, Tiaong, Sariaya, San Narciso, Lucban, Lopez, Pagbilao, Guinayangan, Burdeos at lungsod ng Tayabas.

 

Sa naging pananalita ni Ma. Leonellie Dimalaluan, Supervising Agriculturist-Suport Facilities na may kaakibat na responsibilidad ang sinumang makakatanggap ng pasilidad na siyang nakapaloob sa Memorandum of Agreement upang makatiyak na pangangalagaan ang ipamamahagi ng pamahalaang panlalawigan sa mga samahan ng magsasaka sa Quezon.

 

Kabilang sa mga tinalakay sa naturang pagsasanay ang Parts and Components of Flat Bed Dryer, FBD Operating Procedures at Maintenance and Troubleshooting of FBD sa pangunguna ni Engr. Joseph Sison ng P.I Farm Products Inc.

 

Tinalakay naman ni Joseph Astilla mula sa Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ang tungkol sa Drying Cost Computation, Alternative Materials at Innovation.

 

Ang pagsasanay ay matagumpay na naisagawa sa pagsubaybay ni Engr. Jocelyn Rioflorido na tumalakay tungkol sa Grain Quality Deterioration, Prevention Control at Principle, Concepts of Grain Drying. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info. Training Unit)

 
 
BACK