Magsasaka sa Real, Quezon, Nagsanay sa Honey Bee Production


 

2016-05-12

 

 

Tatlumpu’t limang (35) magsasaka mula sa bayan ng Real, Quezon ang sumailalim sa tatlong araw na pagsasanay tungkol sa Honey Bee Production na pinangasiwaan ng Pamahalaang Bayan sa pakikipagtulungan ng Panlalawigang Agrikultor sa pamumuno ni Roberto Gajo at sa suporta ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez.

 

Ang naturang pagsasanay ay upang bigyan ng alternatibong pagkakakitaan ang mga magsasaka sa naturang bayan.

 

Ayon kay Dr. PJ De Castro, isang Beekeeper/Consultant/Researcher na naging tagapagsalita sa naturang pagsasanay, ang stingless bees o lukutan ay pinaniniwalaan na nagtataglay ang honey nito o pulot ng mataas na health benefits at ginagamit na sangkap sa gamot, pagkain, inumin at cosmetics. Bukod dito, maraming produkto ang maaaring makuha sa bahayan ng lukutan (bee hives) kabilang ang pollen, royal jelly, propolis, wax bee venom at bee brod na doble ang presyo sa honey o pulot.

 

Ayon pa kay De Castro na ang Stingless Bee ay isa sa pinakamahal na pulot o honey at kabilang ang Quezon kung saan matatagpuan ang uri nito.

 

Dagdag pa niya na bagama’t madali lamang ang pag-aalaga ng bubuyog ay kinakailangan pa rin nito ang tamang pamamaraan sa pag-aalaga na ipinakita nito sa isinagawang demonstration.

 

Kaugnay nito, pagkakalooban ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ng dalawampung (20) Bee Hives at equipment tool ang mga magsasaka at labinglima (15) mula sa Rotary Club Lucena University District.

 

Kinakailangang paramihin ng mga magsasaka ang ipamamahagi na Bee Hive with Colony upang ipamahagi sa iba pang magsasaka na nagnanais mag-alaga.

 

Nagpahayag ng pasasalamat si Edgardo Azcarraga, PAFC Chairman at Kapitan ng Brgy. Cawayan, Real, Quezon sa pamahalaang panlalawigan sa bagong programang kaloob sa kanila.

 

Ayon kay Azcarraga na malaki ang magiging kapakinabangan sa kanilang sakahan na makakatulong upang mag-pollinate sa kanilang pananim.

 

Nangako din ito na pag-iibayuhin pa nila ito sa kapwa magsasaka at manguna ang bayan ng Real sa pag-market ng Honey o Pulot at mga produktong maaaring makuha dito. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA Info. & Training Unit)

 
 
BACK