Veterinary Medical Mission, Isinagawa sa Polilio Group of Island


 

2016-04-27

 

 

Limang bayan sa lalawigan ng Quezon na bumubuo ng Polilio Group of Island ang pinuntahan ng Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo noong April 4 – 23, 2016 upang magsagawa ng Veterinary Medical Mission.

 

Sa tala ng tanggapan, umabot sa 3,096 na aso, 396 na pusa at isang unggoy mula sa bayan ng Jomalig, Patnanungan, Burdeos, Polilio at Panukulan ang libreng nabakunahan laban sa rabies at nairehistro ng OPV Animal Health Team sa pangunguna ni Dr. Milcah Valente kasama sina Melanie Obnamia, Bryan Reynoso, Rommel Dexter Ravalo, Anthony Reyes at Wallen Molera.

 

Bukod sa mga alagang aso, pusa at unggoy ay nabigyan din ng serbisyo ang mga alagang kabayo (104), kalabaw (315), baka (30), kambing (8) at baboy (2) sa pamamagitan ng deworming at pagbibigay ng bitamina.

 

Ayon kay Dr. Flomel Caguicla, Provincial Veterinarian ang naturang gawain ay regular na programa ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng kanilang tanggapan bilang suporta sa adhikain ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na maging Rabies Free ang buong lalawigan ng Quezon.

 

Ayon pa kay Caguicla na nais ng pamahalaang panlalawigan na maihanda ang iba pang bayan tulad ng Polilio Group of Island, ang Jomalig, Panukulan, Patnanungan, Burdeos at Polilio para madeklarang Rabies Free Area na nauna nang nakamit ng Alabat, Perez at Quezon, Quezon noong nakalipas na mga taon.

 

Bukod sa pagbabakuna ng mga alagang aso at pusa, nagbigay din ang naturang tanggapan ng mga mahahalagang impormasyon sa mga pet owner ng tungkol sa pagiging isang responsableng tagapag-alaga ng hayop. 

 

Tinulungan din ng tanggapan ang bawat bayan na mabuo ang kani-kanilang Municipal Rabies Prevention, Control and Eradication Committee na tututok sa pagpapatupad ng mga programa laban sa rabies. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK