Joint Resolution ng COA, DBM at DSWD, Ipatutupad sa Quezon


 

2016-04-19

 

 

Ipatutupad na sa lalawigan ng Quezon ang Joint Resolution No. 2015-001 ng Commission on Audit (COA), Department of Budget and Management (DBM) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa accreditation ng mga Civil Society Organizations (CSOs) kabilang ang mga rural based organizations, cooperative at mga non-government organization na tumatanggap ng public assistants fund sa mga government agencies.

 

Ito ang ipinaliwag ni Norliza Labitigan, Assistant Provincial Social Welfare and Development Officer sa isinagawang seminar ng mga kooperatiba sa Quezon sa Audio-Visual Room (AVR) ng Quezon Convention Center, Lungsod ng Lucena, kamakailan.

 

Ayon kay Labitigan, sa pinagkasunduang joint resolution ay kailangan makakuha ng accreditation sa DSWD ang mga kooperatiba sa Quezon bilang bahagi ng Supplemental Guidelines for Accreditation of Civil Society Organization.

 

Ang bagong joint resolution 2015-001 ng COA, DBM, DSWD at may konsultasyon sa Cooperative Development Authority (CDA) ay pag-imiyenda sa dating joint resolution 2014-001 ng COA at DBM.

 

Ayon naman kay Alex Garcia, Provincial Cooperative Focal Person, hindi madali ang akreditasyon sa DSWD lalo’t higit sa mga kooperatiba na bago pa lamang sa nasabing sektor pero handang tumulong ang pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa mahigit 232 na rehistrado at aktibong kooperatiba sa Quezon bilang bahagi ng Cooperative Program Development ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa pangangasiwa ni Provincial Agriculturist Roberto Gajo.

 

Idinagdag pa ni Garcia na kailangang bilisan ang pagpapasa ng mga requirements sa nasabing akreditasyon sa DSWD upang makasigurado na makakuha ng Financial Assistant Fund sa mga government agencies.

 

Pinasalamatan naman ni Garcia ang Cooperative Development Authority at DSWD na handang makipagtulungan sa mga kooperatiba upang maipaliwanag ang kahalagahan ng nasabing joint resolution. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info. Training Unit)

 
 
BACK