Cacao Productivity Enhancement Training, Isinagawa


 

2016-04-11

 

 

Mahigit animnapung magsasaka mula sa mga bayan ng Lucban, Pagbilao, Polilio, Real, San Antonio, Sariaya, Alabat, Atimonan, Lopez, Perez, San Narciso at lungsod ng Tayabas ang sumailalim sa Cacao Productivity Enhancement Training ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor noong April 8, 2016 sa Ouan’s Worth Farm Resort, Lungsod ng Lucena.

 

Ayon kay Provincial Agriculturist Roberto Gajo, layunin ng naturang pagsasanay na lalo pang mapaunlad ang pagtatanim at mapataas ang produksyon ng cacao kaalinsabay ang pagkakatatag ng Cacao Growers Association sa lalawigan.

 

Ang Cacao ay isang uri ng puno na angkop sa iba’t ibang sistema ng produksyon sa pagsasaka na pangunahing ginagamit ang buto para sa paggawa ng tsokolate, tablea, candies, sabon, shampoo, kosmetik ata karaniwang sangkap sa mga pagkain.

 

Ayon sa datos o tala ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor, ang lalawigan ng Quezon ay may kabuuang 1,540.55 na ektarya ng taniman ng cacao at 520,459 puno ng cacao ang nakatanim na.

 

Base pa din sa datos, ang bayan ng Lucban na may 702.5 ektarya at 281,700 na puno ang nangunguna sa pinakamaraming taniman ng cacao sa Quezon.

 

Ayon pa kay Gajo, na naging kinatawan ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na lubos na nasisiyahan ang gobernador sa isinagawang pagsasanay at nangako ng buong suporta sa nasabing proyekto.

 

Batid ni Gajo na hindi lamang sa puno ng niyog naka-sentro ang industriya ng pagsasaka sa Quezon sapagkat maaari ding gawing alternative crop ang pagtatanim ng cacao at maging karagdagang kita para sa mga magsasaka.

 

Layunin din ng programa na magkaroon ng asosasyon ang cacao growers na magiging katuwang ng pamahalaang panlalawigan sa pagpapatupad ng proyekto para makatulong sa mga magsasaka ng cacao sa lalawigan.

 

Katuwang naman sa pag-market ng mga magiging produkto ang Department of Trade and Industry (DTI). (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info. Training Unit)

 
 
BACK