Seminar on Good Agricultural Practices, Isinagawa


 

2016-04-05

 

 

Dalawampu’t limang (25) magsasaka mula sa lalawigan ng Quezon ang dumalo sa isinagawang tatlong araw na seminar tungkol sa Good Agricultural Practices (GAP) noong March 29 – 31, 2016 sa Ouan's Worth Farm Resort, Lungsod ng Lucena.

 

Ayon kay Provincial Agriculturist Roberto Gajo, ang Good Agricultural Practices ay isang kasanayan para sa wasto o ligtas na pagtatanim base sa isinasagawang pamantayan ng GAP Inspector mula sa pag-aanalisa ng lugar, tubig, lupang pagtataniman, lugar na imbakan at gamit sa transportasyon.

 

Gayundin, ang kalinisan at kaligtasan ng mga magsasaka sa kanilang sakahan para sa maayos na produksyon ng prutas at gulay.

 

Dagdag pa ni Gajo na layunin ng programa na magbigay ng kaalaman at kakayahan sa mataas na pamantayan ng Pilipinas para sa wasto at ligtas na pag-aagrikulturang kasanayan mula sa pagtatanim ng prutas at gulay.

 

Ayon pa kay Gajo na ang pagbibigay ng seminar sa magsasaka ay upang manguna ang lalawigan ng Quezon sa pinakamaraming magsasaka na mabigyan ng GAP Certification na siyang sinusuportahan ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez.

 

Sa naturang seminar, binigyang diin ni Marites Piamonte Cosio, Center Director ng Agricultural Training Institute (ATI) Region IV-A ang kahalagahan ng GAP Certification Process.

 

Binigyan pansin naman ni Ma. Leonillie Dimalaluan, Provincial High Value Crops Coordinator ang kahalagahan ng Soil and Water Analysis upang matiyak ang kaligtasan ng mga agricultural commodities sa Quezon.

 

Ayon naman kay Vira Elyssa Jamolin, Project Officer ng ATI Region IV-A na upang masigurado na masusunod ang mataas na pamantayan ng GAP, tatagal lamang ng isang taon ang kanilang GAP Certification at maaari nila muli itong i-renew sa pamamagitan ng pag-inspection ng GAP Inspector sa kanilang sakahan batay sa alituntunin na dapat masunod base sa Philippine National Standard for Agricultural Commodities.

 

Ang seminar ay naisakaturapan sa pagtutulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Panlalawigang Agrikultor at Agricultural Training Institute Region IV-A. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info. & Training 

 
 
BACK