Transport Cooperative of Quezon, Sumailalim sa Capability Building Seminar


 

2016-03-08

 

 

Sumailalim sa tatlong (3) araw na seminar tungkol sa capability building ang Transport Cooperative of Quezon na dinaluhan ng labing-pitong (17) kooperatiba sa Quezon noong March 2 – 4, 2016 sa Bulwagang Kalilayan, Lungsod ng Lucena.

 

Ang naturang seminar na pinangunahan ng Gulang-Gulang Transport Cooperative sa pamumuno ni Ricky Roxas ay bahagi ng Cooperative Program Development ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor.

 

Ayon kay Provincial Agriculturist Roberto Gajo, layunin ng programa na bigyan ng kaalaman sa mga gampanin, alituntunin at karapatan sa isang kooperatiba upang maihanda sila sa magbubukas na oportunidad para sa mga kooperatiba ng transportasyon sa Quezon.

 

Isa sa tinututukan ngayon ni Governor Suarez ang magkaroon ng economic development at programang pangkabuhayan na pangmatagalan ang mga mamamayan sa Quezon at ito ay sa pamamagitan ng mga kooperatiba.

 

Naniniwala si Governor Suarez na kaagapay ng pamahalaang panlalawigan ang sektor ng kooperatiba sa pagpapataas ng antas ng pamumuhay ng bawat pamilyang Quezonian.

 

Naging panauhing tagapagsalita sa naturang seminar sina Chairperson Carlos Reyes at General Manager Maribel Yazon Adriano ng Cooperative Advocacy on Research and Social Servicing (CARESS) na tumalakay sa Basic Cooperative Course, Good Governance and Management para sa Leadership and Values Re-orientation.

 

Binigyang diin naman ni Chairman/CEO Melchor Cayabyab ng Office of Transportation Cooperatives ang tamang gabay sa pagpapalago at pangangapital ng mga kooperatiba ng transportasyon sa Quezon.

 

 

Naging bahagi din sa naturang seminar ang RCBC Savings Banks, Longrich Philippines at Quezon Travel and Tours Multi-Purpose Cooperative. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info. Unit)

 
 
BACK