Seminar on Good Agricultural Practices, Isinagawa


 

2016-03-07

 

 

Nasa pitumpung (70) magsasaka ang dumalo sa isinagawang Seminar on Good Agricultural Practices  (GAP) for Herbs and Spices sa Quezon National Agricultural School (QNAS) sa bayan ng Pagbilao, kamakailan.

 

Ang Good Agricultural Practices ay isang kasanayan para sa wasto o ligtas na pagtatanim base sa isinasagawang pamantayan ng GAP Inspector mula sa pag-aanalisa ng lugar, tubig at lupang pagtataniman para sa maayos na produksyon ng prutas, gulay at halamang gamot.

 

Layunin ng programa na magbigay ng kaalaman at kakayahan sa mataas na pamantayan ng Pilipinas para sa wasto at ligtas na pag-aagrikulturang kasanayan mula sa pagtatanim ng prutas, gulay at halamang gamot sa lalawigan ng Quezon.

 

Ayon kay Ma. Leonillie Dimalaluan, Provincial High Value Crops Coordinator na nakatuon ang pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez at Provincial Agriculturist Roberto Gajo sa pagpapaunlad ng programa sa agrikultura hindi lamang sa mga pangunahing commodities kundi maging sa iba pang produktong agrikultura.

 

Binigyang diin sa seminar ang kahalagahan ng kalinisan sa paligid at mga kagamitan sa pagsasaka sa pagpapanatili ng integridad ng produkto ng sakahan.

 

Naging tagapagsalita dito sina Manuel Dimalaluan-Focal Person ng High Value Crop Development Project ng Agricultural Training Institute Central Office, Dr. Analita Magsino-Chairperson ng Crop Science Department ng College of Agriculture Forestry and Environment and Natural Resources (CAFENR) Cavite State University, Dr. Rodel Maghirang-Scientist I ng Crop Science Cluster ng Institute of Plant Breeding sa University of the Philippines-Los Baños.

 

Ang seminar ay naisakatuparan sa pangunguna ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa pamumuno ni Roberto Gajo sa pakikipag-ugnayan ng mga graduate students ng kursong Master in Agriculture ng Cavite State University, QNAS, Office of the Municipal Agriculturist ng Pagbilao at Lopez, Polytechnic University of the Philippines (PUP)-Mulanay, DepEd at Philippine Coconut Authority (PCA-Quezon), Herbal Program ng probinsya sa pamumuno ni Walter Dapla at sa paggabay nina Prof Carlos Rodil at Dr. Julio Alava. (Reygan Mantilla-Quezon PIO/OPA-Info. & Training Unit)

 
 
BACK