Quezon, Isa sa Top Sending Overseas Filipinos sa Bansa


 

2016-02-29

 

 

Isa ang lalawigan ng Quezon sa top sending overseas Filipinos sa buong bansa kabilang ang mga lalawigan sa Region IV-A o CALABARZON. Ito ang ipinahayag ni Ofelia Palayan, pinuno ng Provincial Gender and Development sa isinagawang flag ceremony ng pamahalaang panlalawigan na pinangunahan ng Committee on Migration and Development.

 

Ayon pa kay Palayan, base sa research ng National Economic and Development Authority ay mayroon 26.7 milyon US dollar remittances ang natanggap noong 2010-2012.

 

Ito ayon kay Palayan ang naging dahilan kaya minarapat ni Governor David “Jay-Jay” C. Suarez na mag-isyu ng Executive Order na nagbubuo sa Committee on Migration and Development.

 

Sa ilalim ng naturang committee, hiniling ng gobernador sa Sangguniang Panlalawigan na magpasa ng ordinansa para sa pagtatayo ng One-Stop Migration Resource Center na sa kasalukuyan ay matatagpuan sa 3rd floor ng Quezon Convention Center.

 

Sa naturang center ay matutulungan ng pamahalaang panlalawigan ang mga Quezoniang OFW at pamilyang naiwan dito sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga ito ng tungkol sa family and income management, financial literacy at entrepreneurial management.

 

Gayundin, ang pagtulong sa mga ito sa pagbibigay ng mga business opportunity o investment program na ipinagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Agriculturist Office na produksyon ng iba’t ibang agricultural products tulad ng palay, mais, kape, cacao, saging at iba pa.

 

“Kaya nga ang gusto ng ating gobernador na ang ating mga overseas Filipinos ay mag-isip ng mabuti saan ba nila dapat i-invest ang malaking halaga na kanilang tinatanggap sa abroad, ang hangarin ng isang OFW para sa kanyang pamilya ay lumago ang kanyang pinaghirapan sa ibang bansa at hindi lang para lustayin ng mga pamilyang naiwan dito sa Pilipinas,” dagdag pa ni Palayan. (Reygan Mantilla-Quezon PIO)

 
 
BACK