Mga paksa para sa linggong ito ay ang mga sumusunod:
1. Pamamahala sa Pesteng Daga
2. Kontroladong pagpapatubig
3. Pakinabangan ang basura gamit ang MBI o microbial base inoculant
4. Pakinabangan ang ipa
|
Pamamahala sa pesteng daga
Ang mga daga ay isa sa mga mapaminsalang peste sa palayan. Umaabot ng 60% ng kabuuang ani ang nawawala dahil sa daga.
Isang paraan sa pagsugpo ng daga sa komunidad ay ang Trap Barrier System o TBS na ginagawa pagkatapos ng anihan. Sa TBS, binabakuran ng plastik at nilalagyan ng patibong sa bawat sulok. Ang bakod ay dapat tatlo't kalahating dangkal o kalahating metro ang taas at isang metro ang layo paloob mula sa pilapil. Pagkatapos maitayo ang bakod, tamnan ang loob nito ng mabango at masarap na barayti ng palay.
Maliban sa TBS, maaari ding palibutan at bulabugin ang mga daga o di kaya'y buhusan ng tubig ang mga lungga upang mapilitan silang lumabas. Hulihin at patayin ang mga ito. Maaari ding gumamit ng flame thrower at bugaan ng apoy ang bungad ng kanilang lungga.
Isa ring mabisang paraan para masugpo ang mga daga ang paglalagay ng pain tulad ng sitsaron, tuyo o feeds na walang lason sa loob ng 3-5 araw bago magsabog ng binhi sa punlaan. Kailangang wala muna itong lason para malaman kung saan mas pumupnta ang mga daga. Ilagay ang pain sa saging, bunot, kawayan o lata. Bago maglipat tanim, paghaluin ang 95 gramo o isang tasa ng pain at 5 gramo o isang kutsara ng acute rodenticide at ang isang kutsara nito ay ilagay sa bawat lalagyan ng pain. Ulitin ito dalawang linggo pagkatanim ngunit gumamit ng paing gawa sa pinaghalong isang kilong rodenticide at 19 kilong binlid. Panatilihin ito hanggang dalawang linggo bago maggapas. Tinatayang 70% ang mababawas sa populasyon ng daga sa pamamaraang ito.
Panatilihin ding malinis ang bukid lalo na ang mga pilapil, kanal at mga lugar na posibleng pamugaran ng mga daga upang maiwasan ang kanilang pagdami. Gawing makitid ang mga pilapil upang hindi nila gawing lungga at magtanim sa loob ng isang buwan ayon sa takda o regular na pagtatanim.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol dito, sumulat o makipag-ugnayan sa Philippine Rice Research Institute o PhilRice, Maligaya, Science City of Munoz, Nueva Ecija sa telepono bilang (044)456-0651 loc 227 at hanapin si Leo Marquez.
Halaw mula sa: Philippine Rice Research Institute, Broadcast ReleaseMaligaya, Science City of Munoz, 3119 Nueva Ecija ? Telefax: (044)456-0651 local 512 ? E-mail: clbgado@philrice.gov.ph |