HIGH VALUE VEGETABLES

Marami ang uri ng high value vegetables. Ang ilan sa mga ito ay ang letsugas, broccoli, sitsaro at kintsay. Mapag-aalaman natin mabuti ang mga natatanging paraan upang ang ani natin ay lalong maging mataas at de-kalidad, kung anu-ano ang mga pesteng maaaring dumapo dito, mga karampatang gamot at sa huli, ang inaasahang kikitain ng ating kabuhayang pagtatanim.

LETSUGAS, BROCCOLI, SITSARO AT KINTSAY

Makabubuting mabuhangin o sandy loam ang gamiting uri ng lupa upang ang tubig ay malayang lumagos sa mga ugat nito at nang sa ganon, maiwasan ang pagtigil ng tubig na maagiging sanhi ng pagkaasim o acidic at malagkit na uri ng lupa. Makatutulong ang malamig o mataas na lugar ang pagtamnan nito sa temperature na di tataas sa 20 degrees centigrade. Kung sa di malamig na lugar, ugaliin ang pagdilig nito sa umaga at hapon.

Araruhin ng mahusay ang lupa bago lagyan ng lagusan ng tubig sa pagitan nito (90x30cm. na lawak). Maglagay ng malalim na plot kung di ito matubig. Mabilis mabuhay at lumaki ang mga ito sa buwan ng Nobyembre hanggang Pebrero.

LETSUGAS (Lettuce)

May dalawang uri ng pagtatanim ng letsugas:

•  Direct Seeding (diretso sa lupa)
•  Advanced Planting (sa seed bed o seedbox na pagtatanim)

Kapag direct seeding , itanim ang 5-10 buto sa 25-30 cm. na layo.

Sa advanced planting , ilagay ang mga buto sa isang kahon na may 6cm. ang layo at takpan ng kaunting lupa. Kapag umabot na sa tatlong (3) lingo at tumaas ang tanim ng mga 6cm., ilipat ito sa taniman, takpan ng lupa ang ugat at diligan agad. Regular itong gawin. Kapag masikat ang araw, dalawang (2) beses itong tubigan.

Lagyan ito ng abono sa palibot ng lupa (huwag direkta).

Gamitan ng mga pamatay peste gaya ng mosaic, z-net at iba pang naaayong insecticide.

Tanggalin ang damo upang hindi maagaw ang sustansya ng lupa. Tanggalin din ang mga nasirang bahagi upang hindi na ito makahawa. Mag crop rotation upang maging masagana lagi ang lupain.

Kapag ang gulay ay siksik at matigas na, maaari na itong anihin. Kalimitan, ito ay inaani mula 50-70 araw mula ng ito ay itinanim. Itigil ang ang paglalagay ng insecticide dalawang (2) linggo bago anihin upang maging ligtas ito pag kinain. Gawin ang pagaani sa hapon sapagkat hindi na ito basa sa tubig at hamog upang tumagal ang pagkasariwa nito. Putulin sa tangkay malapit sa ugat. Tanggalin ang dumi at sirang dahon. Ilagay ang inaning gulay sa basket na gawa sa kahoy na may butas. Mag-iwan ng ilang dahon upang pangbalot at magsilbing proteksyon sa pagkasira.

Balik Puhunan

Sa puhunan na P12,210.00, kasama na dito ang gastusin sa paglilinis, araro, irigasyon, binhi, kemikal, abono, pamatay peste, spraying, pagdadamo, pagaani at transportasyon. Sa kada 10 sq.m. ay may maaaning 30 kgs. na timbang. Sa isang hektarya ay makakagawa ng 100 plots. Kung ang isang kilo ay nagkakahalagang P10.00, magkakaroon ka ng gross sale na P30,000.00. Ibawas sa puhunan, kikita ka ng P17,790.00 o 145.7% return of investment (ROI).

(1000sg.m.) 100 plots x 30 kgs./plot x P10/kg = P30,000 – 12,210.00=P17,790.00

BROCCOLI

Ang broccoli ay katulad ng repolyo at petsay na berde ang kulay. Ito ay may lapad na aabot ng 60-120 cms. at taas na 15-20 cms.

Dalawa ang paraan ng pagtatanim nito:

•  Direct Seeding – kung saan ang 1.4 kilo na buto ay maitatanim sa lima (5) kama ng lupa na may lawak na 1X10 metro.

•  Seedling Transfer – kung saan ang mga binhi ay pinatutubo sa isang container ng lupa at inililipat sa taniman sa agwat na 30-45 cm. at layo na 75 cm. kapag ito'y sumibol na ng apat(4) na dahon. Diligan agad ito pagkalipat sa lupa; gawin ito sa hapon at maulap ang panahon.

Lagyan ito ng abono habang ito ay lumalaki; ilagay ito sa paligid ng halaman. Dito mapapanatili ang 7.0 ph level . Tanggalin ang damo upang di maagaw ang sustansya ng lupa.

Ang ilang karaniwang sakit na maaaring dumapo at karampatang lunas nito ay ang mga sumusunod:

•  Downey Mildew (isang uri ng fungus)- patuyuin ang lupa bago taniman upang mamatay ang fungi; ibabad muna ang mga binhi o buto sa tubig na may init na 50 ? C sa loob ng 30 minuto.

•  Ceroscopa Leaf(fungus)- tanggalin ang mga nasirang part eng halaman at sunugin upang mamatay ito at hindi na makahawa. Makatutulong din ang crop rotation.

•  Blank Leg – crop rotation sa loob ng 3 taon; pagbabad ng binhi ng 30 minuto sa 50 ? C na tubig.

•  Alternalia Blight- katulad ng sa blank leg ang pangpuksa

Tandaan, ang pag-aani ng broccoli ay tinatayang 60-70 araw sa mababang lugar at 80-90 araw sa mga matataas na lugar mula ng ito ay itinanim. Putulin ang tangkay na 20-25 cm. na haba. Magtira ng dahon para pangbalot sa bunga na siyang magiging proteksyon at dekorasyon nito. Huwag sabay-sabay anihin upang mapanatili nito ang mataas na presyo.

Balik-Puhunan

Ayon sa statistics ng Department of Agriculture sa UP Los Baños, ang kabuuang gastusin sa 1 hektarya na pananim ay aabot sa P63,181.67. Kasama na dito ang:

•  labor (pag-aararo, pagtatanim, pagpapangasiwa at paghatid sa palengke)

•  renta sa lupa at interes

•  materyales (buto, organic at inorganic fertilizer), pest control, bamboo baskets at garden tools na pang 3 taong gamot.

Sa isang hektarya, makakaani ng 5 toneladang broccoli. Kung ang halaga ng bawat isa ay P8, magkakaroon ng gross sale na P160,000. Ibawas ito sa P63,481.67.

Kabuuang kita= P96,518.33 o 152% ROI.

CELERY O KINTSAY

Ang kintsay ay nagmula pa sa mga lugar sa Meditteranean at ito ay kabilang sa mga minor vegetables.

Dalawang uri ng kintsay ang tumutubo sa ating bansa, ang stalk at Chinese celery. Maaari itong itanim sa buong taon. Iisang paraan lamang ng pagtanim ditto, ang transplanting method. Ito'y patutubuin sa 1 metro haba at lapat na kama , 15 cm. ang taas kung tag-init at 30 cm. naman kung tag-ulan. Takpan ito ng dayami upang hindi ito matuyo at maiwasan ang pag-agos ng buto mula sa tinamnan. Hayaan itong sumibol ng 2-3 buwan bago ilipat sa 20 cm. pagitang hilera at 40 cm. pagitan na hanay. Ang pagbaon nito sa lupa ay 40 cm. lamang ang kababawan, bagay na di makakakuha ng sapat na sustansya mula sa lupa. Kaya marapat na lagyan ito ng karampatang fertilizer at ammonium sulfate tuwing 10-15 na araw.

Tandaan, ang pagkatuyo ng lupa at paglago ng mga damo ay nagiging sanhi ng pagbaba ng ani, kung kayat hinihikayat na iwasan ang mga ito.

Ang mga pesteng makapaminsala at kaukulang lunas ay ang mga sumusunod:

•  Kulisap, Cutworms, Aphids at Mites- ang malataion ay mabisang paraan upang masugpo ito. Sundin lamang ang instruksyon ng paggamit nito.

•  Damping-off of seedlings- ito'y pagkatuyo ng mga buto hanggang sa ito'y mabulok sa lupa. Maaaring balutan ang buto ng mga pang disinfect gaya ng captin, chloronil o thriam dust.

•  Stalk Rot- ito'y isang uri ng fungus na nagsisimula sa mga tangkay at kumakalat sa buong katawan. Ang thriam dust ang mainam na gamut dito.

•  Soft Rot- isang sugat sa petiols kung saan ng gulay ay lumalambot hanggang sa ito'y mamatay. Ang crop rotation ay mabisang paraan upang maiwasan ito.

•  Early Blight- sugat sa dahon na batik-batik ang anyo. Maaaring magamot ito sa pamamagitan ng crop rotation sa loob ng 2-3 taon. Ibabad din ang binhi sa tubig na 40°C sa loob ng 30 minuto. Mainam na itanim ang buto na may 2-3 na gulang.

•  Late Blight- ito'y kagaya din ng early blight maliban sa kulay na dilaw hanggang brown. Pareho din ito ng panglunas.

Ang kintsay ay walang takdang gulang o panahon kung kailan ito aanihin. Ang palatandaan nito'y ang light green na kulay at malagong anyo ng dahon nito. Ang pinakamataas nito'y aabot sa 20 cm. na haba. Tinatayang apat(4) na buwan ang pinakamagulang nito. Huwag patagalin ang tanim ng kintsay sapagkat nagiging malambot ang uri nito. Gamit ang kamay sa pagbunot, gawin ito ng maingat upang di ito mabali, pagkatapos, ihiwalay ang may sira sa de-kalidad. Hugasan at ibalot sa diyaryo bago isilid sa malaking plastic na may mga butas.

Balik-Puhunan

Sa kabuuang gastusin, nagkakahalaga ito ng humigit kumulang sa P15,000.00 kada hektarya. Ang presyo kada kilo nito ay P30. Sa isang hektarya, makakaani ng 1,300 kg. Kaya sa P39,000.00 na gross sale, may kikitaing P24,000.00 o 160% ROI.

SITSARO

Ang sitsaro ay isang uri ng legumes na karaniwang itinatanim sa mga malalamig at matataas na lugar. Kung ito ay itatanim sa mababa at mainit na lugar, kinakailangang ugaliin ito sa pagdilig sa umaga at hapon. Mainam itong itanim sa buwan ng tag-ulan gaya ng Mayo-Hunyo at Oktubro-Nobyembre.

Maghanda ng mataas na kama ng lupa na 60-120 lapad at 15-20 cm. taas. Haluan ang lupa ng organic at inorganic fertilizer upang makatulong itong lumago. Tanggalin ang mga damo habang ito'y lumalaki. Maaari itong itigil kapag malaki na ang halaman.

Magtayo ng trellis gawa sa kawayan o alambre na may 30 cm. na haba upang siyang maging gapangan nito.

Ang mga insekto na nakakapinsala at karampatang gamut ay ang mga sumusunod:

•  Aphids- nagdudulot ito ng pagkabansot o abnormal na paglaki. Ang semin o malatahiyon ang pesticide na pwedeng i-spray sa mga halaman. Sundin lamang ang instruksyon. Huwag sobrahan ang pagpuksa. Huwag din itong pasalungat sa hangin.

•  Leafminer- ito ang pinakamapaminsalang insekto, senyales nito'y pagkakaroon ng puting amag sa halaman. Mag-spray ng mild pesticide gaya ng kolo carbonate.

Ang rust at powdery mildew ang karaniwang sakit na dumadapo sa sitsaro. Ang sulfur dust spray sa loob ng 7-10 araw at crop rotation ang panglunas dito.

Sa pag-ani ng sitsaro, maaari na itong gawin 70-80 araw mula ng ito'y itanim. Gawin ito sa umaga o hapon na hindi maaraw at tuyo ito sa hamog o pagkabasa. Sa pamamagitan ng kamay, pitasin isa-isa at ilagay sa basket o kaing na may butas upang hindi ito mainitan. Ilagay ito sa malamig na lugar upang tumagal ang pagkasariwa hanggang 10 araw.

Kung gagawing binhi ang pananim, ibilad sa araw ang mga buto ng 3-5 na araw. Ihiwalay ang malalaki sa maliliit at linasin sa tubig.

Balik-Puhunan

Ang maaaring gastusin sa pagtanim ng sitsaro sa isang hektarya ay nagkakahalaga sa P59,245.00. Kasama dito ang mga sumusunod:

•  Labor – paglilinis, paghahanda sa lugar, pagtatanim, trellising o pagbabalag, pagdadamo, spraying, labor sa pag-aani, packaging at sorting at paghatid sa tindahan

•  Materyales – buto, abono, pamatay peste, balag o trellis, kawad, straw at bamboo crates o kaing

•  Pangmatagalang puhunan – renta sa lupa at interes at garden tools

Sa isang hektarya, makakaani ng hanggang 5,000 kilos. Kung P15 ang isang kilo, magkakaroon ng gross sale na P75,000. Ibawas ang puhunan, kikita ka ng P15,755.00 o 26.6% ROI bawat ani.

Tandaan, ang sitsaro, bukod sa nakakatulong sa kita, ito'y nakatutuklong magpababa ng blood pressure at cholesterol. Nakatutulong din itong magpagaling ng anemia. Upang maging de-kalidad ang ani, gamitin ang magandang uri ng buto.