KAPAKANAN NG MGA KABATAAN SA LALAWIGAN NG QUEZON, PAGTUTUUNAN NG PANSIN NG PAMAHALAANG PANGLALAWIGAN
MAYO 14, 2009 - Kamakailan ay nilagdaan ni Gobernador Raffy P. Nantes ang Executive Order No. 6 na nagbubuo sa Provincial Youth Development Council na tututok sa kapakanan ng mga kabataan sa buong lalawigan.
Dito ay inatasan ni Gob. Nantes ang mga panlalawigan at nasyonal na tanggapan na kinabibilangan ng Sangguniang Panglalawigan, TESDA at DepED na magsama-sama upang makapagbuo ng mga plano at programa na para sa mga kabataan.
Kahapon, Mayo 13, 2009 ay nagkaroon ng pagpupulong ang mga miyembro ng konseho, kinatawan ng gobernador sa nasabing pulong si Provincial Administrator Aris Flores. Dumalo rin dito sina 1st District Board Member Alona Obispo, Executive Assistant IV Ador Culing, Provincial Assistance for Community and Sectoral Development Head and Executive Assistant II June Lee at Pubic Affairs Information Assistance Division Head Carlo Vinci Villafranca.
Ayon kay Provincial Administrator Flores napagkasunduan sa nasabing pulong na magsagawa ng inventory sa kabuuang bilang ng mga kabataaang indibidwal, organisasyon at samahan ng mga youth leaders at out of school youth.
Ito ay sa dahilang nakita umano ni Gob. Nantes na napakalaking pwersa ang mga kabataan dito na maaaring makatuwang ng pamahalaang panglalawigan sa mga proyekto at programa nito na para sa kaunlaran. (PGO MB – NMB/TSM) |