1ST QUEZON PROVINCE CLIMATE CHANGE CONFERENCE, MATAGUMPAY NA INILUNSAD SA LALAWIGAN NG QUEZON
MAYO 8, 2009, LUNGSOD NG LUCENA --- Naging matagumpay ang isinagawang 1st Quezon Province Climate Change Conference kahapon, Mayo 7, 2009 sa Queen Margarette Court dito sa lungsod ng Lucena.
Layunin ng nasabing pagpupulong na makapagbigay ng impormasyon sa mga lokal na opisyales ng lalawigan, mga health officers at pribadong sektor na kumakatawan sa academe, at people’s organization hinggil sa kasalukuyang sitwasyon ng global warming sa buong mundo na dulot ng climate change.
Ang global warming at climate change o pagbabago ng klima ang itinuturing ngayong malaking banta sa seguridad ng pagkain at kabuhayan ng mga mamamayan sa buong mundo.
Dito ay tinalakay ang epekto ng global warming at climate change sa pamamagitan ng mga speakers mula sa Office of the Presidential Adviser on Global Warming and Climate Change,Office of the President sa pamamagitan ni USEC Carlos Garcia IV, PAGASA-DOST Weather Specialist Annaliza Solis, Dir. Yolanda Oliveros mula sa National Center for Disease Prevention and Control, Regional Disaster Coordinating Council, Office of Civil Defense, Region IV-A Dir. Vicente Tomazar at kinatawan mula sa Bureau of Soils and Management, Department of Agriculture.
Nagbigay ng mensahe sa okasyon ang kinatawan ni Gov. Raffy P. Nantes na si Executive Assistant IV Ador Culing. Aniya ang nararanasan ngayong pag-init at paglamig ng kapaligiran ay epekto ng global warming, kaya’t napakaganda at napapanahon umano itong pag-usapan lalo na at tiyak umanong maapektuhan nito ang lalawigan dahil sa pagiging agricultural province nito, bukod pa sa malawak ang baybaying dagat ng Quezon, kung saan matatagpuan ang 34 na munisipalidad. Ayon sa kinatawan ng gobernador batay sa mga pag-aaral kapag nagpatuloy ang pagtaas ng temperatura o mainit na klima sa buong mundo posibleng matunaw ang mga malalaking bundok ng yelo sa green land na magpapataas sa sea level ng 7 metro na magreresulta sa paglubog ng 832 coastal areas sa buong bansa. Kaya naman aniya gumagawa na ng paraan ang pamahalaang panglalawigan sa pamumuno ni Gob. Nantes upang mapigilan ang masamang epekto ng global warming, una umanong ipinag-utos ni Gob. Nantes ang pagpapatigil sa pagpuputol ng mga puno o total logban upang maprotektahan ang kalikasan dito.
Gayundin aniya may ginawa ng pakikipag-ugnayan sa Deparment of Education ang tanggapan ng gobernador upang makapagsagawa ng malawakang information campaign sa mga mag-aaral at guro sa mga paaralan upang maipaunawa ang tungkol dito at tuloy makapagpatupad ng mga gawain na makakapigil sa epekto ng global warming sa lalawigan.
Pinangasiwaan ng Integrated Provincial Health Office na pinamumunuan ni Dr. Agripino Tullas kasama si Provincial Administrator Aris Flores, Chairman ng Provincial Health Board ang nasabing komperensya . Nakiisa naman sa okasyon ang iba pang mga Department Heads mula sa pamahalaang panglalawigan. (PGO MB NMB/TSM)
|