GOB. NANTES BINISITA ANG MARIKINA-INFANTA ROAD PROJECT SA INFANTA, QUEZON
HUNYO 16, 2009, LUNGSOD NG LUCENA --- Nagtungo sa bayan ng Infanta si Gobernador Raffy P. Nantes nooong sabado Hunyo 13, 2009 upang personal na makita ang ginagawang Marikina-Infanta road na mag-uugnay sa bayan ng Infanta sa Marikina City at sa buong kamaynilaan.
Kasama ni Gob. Nantes na nagbisita dito ang mga lokal na opisyales mula sa nabanggit na bayan at maging sa mga karatig bayan dito ang Real at Gen. Nakar na makikinabang rin sa nasabing proyekto dahilan sa magiging mabilis na ang daloy ng transportasyon sa mga nasabing lugar patungo sa kamaynilaan.
Ayon kay Gob. Nantes sa sandaling matapos na ang nasabing kalsada, mula sa dating mahigit sa tatlong oras na byahe patungo sa Maynila makakatipid umano ng mahigit sa isang oras ang mga biyahero kung magdadaan sa Marikina-Infanta Road.
Inihayag rin ni Gob. Nantes na maiksi na lamang ang ginagawang kalsada sa bahagi ng Real at Infanta at malamang umano na madaanan na ito sa buwan ng Agosto ayon umano sa report ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na siyang nangangasiwa sa nasabing proyekto.
Ang Marikina-Infanta Road Project ay may habang 129 kilometers. Ito ay pinondohan ng National Government ng P1.9 B. Nagsimula ang konstruksyon ng nasabing kalsada taong 2001 sa panahon ng panunungkulan ni Gob. Nantes bilang kinatawan ng Unang Distrito ng lalawigan at inaasahang matatapos ito ngayong taon.
Malaki umano ang maitutulong ng nasabing kalsada sa kaunlaran ng mga bayan sa Northern Quezon at sa buong lalawigan. Ayon sa gobernador tiyak na makakatulong ito sa sektor ng agrikultura at pangisdaan, sapagkat mas mabilis ng makapagdadala ng mga produktong agrikultura sa Maynila na sentro ng kalakalan. Maging ang kalalagayan ng turismo ay aangat sapagkat maraming mga magagandang lugar dito partikular na ang mga beach resort. Posibleng dayuhin na rin ng mga foreigner ang mga nabanggit na lugar na makakatulong sa pag-unlad ng ekonomiya dito, sapagkat dadami ang magkakaroon ng trabaho at mapagkakakitaan.
Samantala muli namang inihayag ni Gob. Nantes na kapag natapos na ang nasabing kalsada ay maitatayo na rin ang planong International Container Port sa General Nakar. Ang international container port ay ninanais na maitayo ng gobernador sa Gen. Nakar. Naniniwala ang gobernador na mas bibilis ang pag-unlad ng lalawigan sa pamamagitan nito sapagkat maraming magtatayo ng industriya na makapagbibigay ng malaking kita sa probinsya. ( PGOmbnNMB/TSM ) |