PRESTIGIOUS AWARD MULA SA BOY SCOUTS OF THE PHILIPPINES (BSP) NAKAMIT NG QUEZON COUNCIL SA PAMUMUNO NI GOB. RAFFY P. NANTES
MAYO 22, 2009, LUNGSOD NG LUCENA --- Nagkamit ng Prestigious Award ang Quezon Council ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) na pinamumunuan ni Gobernador Raffy P. Nantes sa ginanap na 53rd Annual Council Meeting ng BSP na idinaos sa Zamboanga City noong Mayo 20, 2009.
Tinanggap ng Quezon ang Lorillard Spencer Trophy Award, na kumikilala sa mga katangi-tanging BSP Local Council sa buong bansa. Unang inilunsad ng BSP ang nasabing award noong 1947 upang ma-engganyo ang mga Local Council na mangalap ng mga miyembro at magsagawa ng mga makabuluhang gawain na makakatulong sa mga miyembro at mamamayan sa kanilang lugar.
Ayon kay Public Services Officer IV Carlo Vinci Villafranca na isa sa mga Board Member ng Quezon Council, at naging kinatawan ni Gob. Nantes sa ginanap na Awarding Ceremony, naging batayan sa pagkapanalo ng kanilang samahan ang iba’t-ibang aktibidad na isinulong dito noong nakalipas na taong 2008.
Kabilang na dito ang pagdaraos ng Provincial at Area Jambories; Various Area at Provincial Kawan holiday; Pagdalo sa mga National at International Jamborees; Pakikiisa sa mga Tree Planting Activities sa mga bayan ng Plaridel at Lopez na doon ay nakapagtanim ng 10,000 puno ang mga miyembro nito; paglahok sa Search for 10 Outstanding Boy Scouts of the Philippines; at ang pagsasasagawa ng buwanang training at advancement activities para sa mga miyembro ng BSP Quezon Council.
Bunsod naman ng pagkapanalo ng Quezon Council ng nasabing award pinagkalooban rin ng parangal si Gob. Nantes bilang Outstanding Local Council Chairman, dahil sa mahusay na pamamahala at pagsusulong nito ng mga programa at layunin ng BSP. (PGO MB NMB/TSM) |